Pormularyo at Poetika

Noong nakaraang Pasko, nagkita-kita ang mga magkakapatid na Betos para sa isang munting salu-salo, at para ipakilala ng bunsong kapatid ang kanyang kasintahan sa amin. First time naming makikita ang dalaga. At sa aming limang magkakapatid, apat kaming nagkita-kita para sa hapunan at hapag-kwentuhan. Dalawa sa amin ay umuwi pa galing abroad (Si Kuya galing Germany, si Kiteh galing Japan).

Kasama ng mga pag-update sa kani-kaniyang buhay ay nabanggit ang kwento ng mga magulang: kung kumusta na ba sila ngayong lahat ng kanilang mga supling ay tuluyan nang lumikas sa malungkot na family home; usapang diaspora, kung sino sa aming natitirang dalawang magkapatid ang mananatili sa Pilipinas; at sa usaping paghahanda sa retirement, o pagkakasakit, o kung ito na ba ang aming magiging buhay sa mahabang mga taon. Hanggang sa naisama sa huntahan ang usapin ng mga magkakaibang antas ng gitnang uri: kung saan na ba kami nabibilang, kung kami man ay malayo na sa kinagisnang iskolar ng bayan (tatlo sa limang magkakapatid ay nag-kolehiyo sa pampublikong Pamantasan), at kung kami ba ay manantiling mulat at ang adhika ay pang-masa at lapat sa lupa.

Nalungkot ang bunsong kapatid.

Ate, tibak man ako noon, pero anong magagawa nating mga nilalamon na ng Corporate? We need to grind, because we need to live. Malungkot nga lang kasi, after all those years from student activism, I am slowly becoming the one I have sworn to hate.”

Naisip ko, ganun ba kaliit ang mundo ng gitnang uri? Malawig ito, at may mga tao at pamilyang may mas “aware” sa mga access na natatamo nila bilang may-kaya. Humupa ang lungkot nang masabi ko sa kanya na kailangan lang niyang maging malapit sa mga kaibigan na nakakaramdam ng parehong dilemma.

“Katulad ng friend mo na nag-shift, tignan mo, gina-grind din niya ang isang karera na taliwas sa grinadweyt mo.” Ang naturang kaibigan ni JB (palayaw naming sa bunsong kapatid), ay may condo sa BGC, nag-aaral sa UP ng ibang kurso. Nabanggit ko rin na kailangan niya lang ng community as “accountability buddy” o magiging tanggulan mo sa iyong personal na ideolohiya at bahagi ng iyong moral compass kung ang puso mo ay nalalayo na sa pagmamahal mo sa bayan.

Natawa rin ako sa sarili dahil marami akong naging adhika nang ako ay magsimula as Banker sa malaking korporasyon: nariyan ang Pinoy Reads Pinoy Books (PRPB) na nagpo-promote ng diwa ng pagbabasa at pagbu-book review bilang pagsasanay sa pagbabasa nang may pagsusuri; at may isang writer’s group na nabuo mula sa 2024 Citywide Workshop— ang AGOS ng PASIG. Bumalik kami sa balitaktakan ng gitnang uri at ang pagiging malaking seksyon ito ng socio-economic class, at nailapag ko sa mga kapatid na gusto ko kumatha ng isang kwento ng dalawang binatang magkaibigan na nagkabaligtad ang kanilang mga paniniwala dahil sa mga danas nila sa magkaibang baitang ng pagiging gitnang uri.

Ginamit ko ang Barangay Pineda at Barangay Kapitolyo ng Pasig bilang setting ng aking akda. Kasabay ng paahon at pababang mga kalsada ng dalawang pamayanan ay nagamit ko rin ito bilang isang metro (or metric) kung paano nagkakaiba ang sensibilidad sa pagpapalaki ng pamilya at kinagisnang kabataan kahit sa kwento, ang dalawang karakter ay parehong nag-aral sa iisang Elementary School. Magandang mekanismo ng diskurso ang topograpiya ng umaalong lugar, at pwede rin itong iangkla ang pagkakaintindi ng mga tao sa napapanahong paksa ng troll farms at disinformation campaign.

Sana lamang ay nabigyan ko ng hustisya ang sentimiyento ng aking bunsong kapatid sa pamamagitan ng pagkatha nitong maikling kwento.

Leave a comment