Radyo Core Memory

Noong elementary kami, pinagsulat kami ng tula sa schoolpaper tungkol sa diwa ng EDSA. Apat kaming gumawa ng korido na pinuno ng pagtutulad at metapora, tapos may dalawa pang additional entry na solong gawa. Nang maipasa yun ng teacher namin sa DZRH radio, naging segment pa ang aming likha na ibo-broadcast ng Sabado, alas-diyes ng gabi.

Mahirap ang recording pala. Paulit-ulit. Hindi namin alam ang magiging tunog namin sa airwaves. Kaya nang sinabi ng host na dapat may bigat ang pagbigkas at may alimpuyo, nailabas ko lahat ng hugot at practice ko sa sabayang pagbigkas. Nang marinig ng pamilya ko ang broadcast, nagulat din kami kasi parang tunog ng galit na umiiyak ang naitula ko. Hindi ko ni-recite ang tulang likha ko; tula sya ng kaklase kong hindi makakarating sa araw ng recording. Ika nga, backup vocal ako. Ang tula niya ay pagkukwento ng mass movement circa ’86, kung saan nag-krus ang mga manggagawa at mga sundalo na tila aso’t pusa, at may isang bathalang saksi na hindi mawari kung ito ay tutulong o hindi.

Ngayon, hindi na ako mahilig mag-radyo, kasi napakadaling access na ang spotify at youtube para sa mga video podcasts at tugtog. Natunaw na ang pagba-bonding sa radyo. Tila katulad na rin ito ng pagtunaw ng diwa ng People Power: nagkawatak-watak, naghati-hati, at ang Mama Mary sa EDSA corner Ortigas ay nakatunganga lang… at nananatiling saksi.

Leave a comment