Pagkatapos ng PRPB Book Talakayan, sumama ako sa mga kaibigang dumalaw sa Silingan Coffee. Ang sabi-sabi, may kaunting pa-party ang mga may-ari. Dahil masyadong maaga kami dumating, nakita ko ang pagse-set up sa labas ng tindahan: laptop at speaker, mic, camera, mga mesa at upuan. Hindi pa fully ready, kaya naghapunan muna kami.
Pagbalik muli sa kapehan ay nakita namin ang kainitan ng kantahan ng mga kababaihan ng Silingan— mga nanay, lola, at ate; mga human rights advocate, trauma counselor at jounalist — mga babaeng naging kaibigan at kaanak ng mga biktima ng EJK. Lumapit sa amin ang isa at nag-anyaya na kami’y makikanta at makisayaw sa kakantahin nila sa bidyoke. Maya-maya lamang, siya’y nagsalaysay tungkol sa kanyang lalaking anak na pinaslang ng pulis; tila ang tingin sa kaniyang buhay ay walang saysay. Kahit masaya syang may lumipad sa Hague, bumuntung-hininga siya at sinabing, “Wala namang araw na hindi mabigat. At alam nating simula pa lang ito ng mahabang laban.” Pero biglang kumabig at nagsabing, “Ngayon, hinga muna at pagbigyan ang sarili. Mag-celebrate sa little win.”
Habang kinakanta nila ang Tatsulok, hindi ko mapigilang makikanta at isigaw ang “Hangga’t marami ang lugmok sa kahirapan, at ang hustisya ay para lang sa mayaman!” Batid ko, kasama ng sanlaksang kababaihang nakiki-jamming, na mahaba pa ang laban. Na kailangan nating mas maging matatag. Sa araw-araw, tapang ang ating tangan.
Tila bumulong muli ang tanong ng author sa pinanggalingang panayam, “Ella, hindi ka rin ba nasusugatan?” Kasabay ng biglang pag-alala ay ang aking paghawak sa mukhang tila nilamig ng minsanang hangin ng gabi.
Yun pala…
May mata nang tumubig.
May luha sa pisngi.
