Essays and Works in Progress

Diary entry 04 May 2025 0350AM

Sent and unsent in IG after him reading everything. But this is a good material to continue writing about existential dreads and limbo moments.
Fcuk, I do have lots of material about it.

♫♪♫ Honey, you’re familiar
Like my mirror years ago ♫♪♫

I woke up in the wee hours of morn, realizing that whatever I have with you now, is a result of that letter-sending LDR lifestyle with an engineer in Riyahd before I met you.

Naalala ko lang nang magkita kami, hindi kami romantically swak.

He has dreams in Batangas, building a big ancestral home for his family, doing the ultimate breadwinner gig. I was about to settle for that lifestyle at that time, kasi wala akong mahanap na matinong lalake na lisensyado na may kotse at mataas ang net worth (Sorry, very pragmatic. Mataas din standard.)

Turned out, he was very DDS. Very blind.

Polarizing ang aming socio-political outlook. Maybe that’s why sa simula pa lang, hindi meant to be.

I was just on denial because I was looking at the possibilities.

Then when I broke up with you, because of this same LDR issue and you not really contacting me (and it still stings, from time to time) this random accountant suddenly appear in my IG memes, and he too is a successful accountant in Singapore (Exec Director for Tax Accounting, btw). LDR comms for months, pragmatic topics of him being the middle child with breadwinner duties in his large farmland in Nueva Ecija.

When we met, we became instant friends. Core memories formed, some moments became very sacred. It was a big deal for me at that time, I was broken na broken and questioning my life decisions. Even confided to him na okay ako na walang sexual contact, because I was looking for a life partner at 2023. I don’t even want a kid (kakahinga lang from raising 2 siblings, kaka-graduate lang ni bunso).

Turned out, he was gay. He liked men more. He even apologized for giving me a sob trope— I told him I wanted to meet him so that I can size myself up for the challenge.

Naisip ko, siguro kapag nagmamahal ako, may dalumat ng distansya — sa danas, sa damdamin, at sa desisyon.

With you, now— it’s me applying all these practices of feeling detached and feeling ignored. But somehow I can cope with the truth of legalities and traumas that I am trying to heal with. I see you sometimes as a “20’s na 50’s”, because you were too young to be a father, and you were traumatized by a failed romance.

Pareho tayong humahabol na balikan ang mga pagkakataong nawala sa atin noong bata, pero sa magkaibang paraan.

Like at this moment, I ask myself: kapag pinakasalan ko ba ito, will he settle with us opting to be childless? Because I am not sure if he’s up for the challenge. What made me unsure of you sometimes? I think it’s the romantic dynamic that we have.

Yes, I did decide that we should have no labels to protect my peace. And you perform exactly that — a fuck buddy. No dates, no anniversary. But sometimes, I feel conflicted kasi hindi nawawala ang inggit sa katawan. Gusto ko ring ibibida ka sa mga kaibigan ko, sa mga officemates ko, sa IG, may soft and hard launch. May patweetums moments na hindi ko alam if magagawa natin kasi pareho tayong awkward, haha!

I don’t know. Siguro naging big deal (sa akin) ang mga plano mong diaspora. At hindi nito basta pagsabi (sa akin). Gets ko naman yun. Mataas naman ang respeto ko sa desisyon mo.

I think more of a “me” thing?

Ako siguro ang may pagkukulang sa bagay-bagay kaya nagiging ganito ang lakad ng buhay.

Pero love kita. Totoo yung pa-iloveyou ko (and you not replying to it is understandable). I do feel conflicted. Siguro kapag tinanong mo ano ang gusto ko, sasagot ako at ang balik nun ay magso-sorry ka, kasi hindi mo kayang tugunan ngayon.

Kaya siguro ako ganito.

Suman sa Boulevard

Sa magdamag kong pagtatrabaho’t paglilinis ng kwarto ay gutom ang dinatnan sa bukang liwayway, at nasambit ang, “pa-umaga na naman”. Bumaba sa condo at hinanap ang paboritong lako ng manong taho. Pero wala. Nasabi ko na lang, “Ongapala, araw ng paggawa.”

Sa paglalakad sa gilid ng Pasig Boulevard, matamlay din ang mga nakatambay at ang paubos na tindang dilis at gulay. ‘Kako ni Ate, “Diyan na lang kay Kuya ka magtingin at baka may gusto kang kainin.” Nakita ko ang suman. Ang kaning malagkit— panlaman din ng tiyan.

Sa lungkot na pagbalik sa aking tahanan, naisip ko ang pinili kong karera at may kakaibang kultura: ang pagpasok tuwing nagha-holiday ang bansa. Sa Amerika, hindi ito kinikilala, kaya required mag-report sa opisina.

Isang hinga, isang singhal.
Isang buntung-hininga at binulong,

“Little Ella, pakatandaan: sa mundo ng mga kapitalista… ang simpleng puslit ng pahinga, ang pagninilay at pagkatha… ang mga ito’y uri din ng pakikidigma.”

Sumang latik, sumang malagkit.
Maka-ninja ng kwento kahit saglit.

2nd Pasig Writers Workshop Closing Address

I was not able to deliver it at the second day due to the challenges: People are dropping by only for a short while, or photojournals are being pushed first, or panelists trying to leave the workshop as soon as we ended the deliberations proper.

The resolution proposed: Publish this as part of a Newsletter for Scholastic Organizations and for other consumption.


Sa mga fellows ngayong taon, pagbati! Kayo ang naging saksi kung paano gusto naming mga 2024 fellows mangyari ang isang workshop. Nakikita ninyo ang iba’t ibang serye ng pagpapadaloy, ang pagsagwan ng iba’t-ibang kwento, samu’t saring pagkakatagpi ng mga buntung-hininga, at mga ngiting nagsasama-sama.

Batid natin na may mga reunion nang naganap sa inyo, pero mas marami pa rin ang bagito. Sa 89 kataong nagpasa ngayong taon, pinili kayo ng komite hindi lamang dahil may malaking potensyal ang akda, kundi dahil may kakayahan kayong kumarga ng isang malaking misyon: maging Adhika ng Giting sa Obra at Sining ng Pasig. Sabi nga ni Yasmien ng RTU-KAMFIL, “Miss Ella, takam na takam kami sa workshop. Ang meron kasi sa amin, puro seminar, puro mula sa speaker, hindi nasisipat ang ambag naming mga kwento.” Mula sa sumbong niyang iyon, mas nagiging buo ang kagustuhang tugunan ito sa pamamagitan ng AGOS ng Pasig. Na sana, maging mas aktibo ang palihan at palitan ng kuru-kuro sa pagkatha, at maging mas accessible ito sa mismong mga kababayan natin, hindi lamang nakapaloob sa mga State University at sa mga pribadong organisasyon. Ilapat natin ang de-kalidad na palihan para sa masa.

Sa kabila ng maraming pagbabago sa mga asignatura sa eskwelahan, at mataas na krisis ng pagbabasa at pagkatha, salihan pa ng pagsasa-pribado ng ibang mga karapat-dapat na pampublikong espasyo, binuo ang grupong ito na handang sumuong at sumagwan sa mga alon na tila mahirap labanan kapag ika’y nag-iisa. We must call the institutions of our city to help: Magpakilala sa mga barangay, sa mga paaralan, at sa mga ahensya ng ating pamahalaan. Sa kapatiran, pwede tayong magbigay ng lakas at inspirasyon sa mga natutuyong batis sa mga sulok, at idugtong ito sa kalakhang katubigan ng mga magagandang katha na buhuhay sa ating tila natutulog at mala-robot na pagkatao ng ating lungsod. I imagine ourselves boarding a newer version of Bapor Tabo (from Noli Me Tangere), handang dumaloy sa kalakhang Ilog Pasig, nagpapalaganap ng kagandahan ng mga kwentong sariling atin, habang naglilinis ng mga waterlily sa gedli! Haha, charing!

Ang aking munting pakiusap sa mga 2025 fellows ay maging handang tumulong sa anumang paraan: maging susunod na workshop director, o maging coordinator sa iba’t ibang publikasyon, o kahit maging munting sagwan sa aming AGOS Creatives. Bawat ambag, mahalaga. Huwag mahihiyang tumulong sa anuma’t anumang pagkakataon. Mas kailangan namin ito lalo na ngayong gusto nating umugong ang ating panawagan na ipaabot sa masa ang ating adhika.

Mula sa inyong Pangulo, tara tena! Tayong lahat ay magsama-sama sa pagkilos. Padayon sa Pagpapadaloy! Mabuhay ang Adhika ng Giting sa Obra at Sining ng Pasig! 

Good Friday Frustration

Good Friday, 18 April 2025

Prompt ➡️ Flash / magical realism of Ella hiking the Little Pulag with butterflies and then you see little yous looking at you with worry because you are slowly sinking & not seeing the beauty of the world.

[Pen color change]

Nitong mga nakaraang araw, hirap akong makasulat. Tinitignan ko ang aking journal at simula noong pandemya, nasa kalahati pa lamang ang may laman. Halos lahat ay mga hilaw na materyal, o sadyang naglalabas lamang ng sama ng loob.

Katulad ngayon, kahit may prompt nang nasa isip, naglalabas pa rin ng daing sa kakulangan ng pansariling espasyo para makagawa ng dagli. Nangangalay na ang mga daliri sa pagtiklop at tumulong sa pagkakabit-kabit ng mga titik, ang sulat na tila galit at hindi legible (readable?) ang dikit-dikit.

HANGGANG SA ITO AY MAG-SHIFT FROM CURSIVE TO PRINT. SAKA TITIGIL SAGLIT AT MULING MAG-IISIP, O BUBUKSAN ANG COMPUTER AT KEYBOARD ANG IGIGIIT.

WAO IS THIS BARS? HUHU NAGREKLAMO ME ☹️

my undated planner since 2020

Pormularyo at Poetika

Noong nakaraang Pasko, nagkita-kita ang mga magkakapatid na Betos para sa isang munting salu-salo, at para ipakilala ng bunsong kapatid ang kanyang kasintahan sa amin. First time naming makikita ang dalaga. At sa aming limang magkakapatid, apat kaming nagkita-kita para sa hapunan at hapag-kwentuhan. Dalawa sa amin ay umuwi pa galing abroad (Si Kuya galing Germany, si Kiteh galing Japan).

Kasama ng mga pag-update sa kani-kaniyang buhay ay nabanggit ang kwento ng mga magulang: kung kumusta na ba sila ngayong lahat ng kanilang mga supling ay tuluyan nang lumikas sa malungkot na family home; usapang diaspora, kung sino sa aming natitirang dalawang magkapatid ang mananatili sa Pilipinas; at sa usaping paghahanda sa retirement, o pagkakasakit, o kung ito na ba ang aming magiging buhay sa mahabang mga taon. Hanggang sa naisama sa huntahan ang usapin ng mga magkakaibang antas ng gitnang uri: kung saan na ba kami nabibilang, kung kami man ay malayo na sa kinagisnang iskolar ng bayan (tatlo sa limang magkakapatid ay nag-kolehiyo sa pampublikong Pamantasan), at kung kami ba ay manantiling mulat at ang adhika ay pang-masa at lapat sa lupa.

Nalungkot ang bunsong kapatid.

Ate, tibak man ako noon, pero anong magagawa nating mga nilalamon na ng Corporate? We need to grind, because we need to live. Malungkot nga lang kasi, after all those years from student activism, I am slowly becoming the one I have sworn to hate.”

Naisip ko, ganun ba kaliit ang mundo ng gitnang uri? Malawig ito, at may mga tao at pamilyang may mas “aware” sa mga access na natatamo nila bilang may-kaya. Humupa ang lungkot nang masabi ko sa kanya na kailangan lang niyang maging malapit sa mga kaibigan na nakakaramdam ng parehong dilemma.

“Katulad ng friend mo na nag-shift, tignan mo, gina-grind din niya ang isang karera na taliwas sa grinadweyt mo.” Ang naturang kaibigan ni JB (palayaw naming sa bunsong kapatid), ay may condo sa BGC, nag-aaral sa UP ng ibang kurso. Nabanggit ko rin na kailangan niya lang ng community as “accountability buddy” o magiging tanggulan mo sa iyong personal na ideolohiya at bahagi ng iyong moral compass kung ang puso mo ay nalalayo na sa pagmamahal mo sa bayan.

Natawa rin ako sa sarili dahil marami akong naging adhika nang ako ay magsimula as Banker sa malaking korporasyon: nariyan ang Pinoy Reads Pinoy Books (PRPB) na nagpo-promote ng diwa ng pagbabasa at pagbu-book review bilang pagsasanay sa pagbabasa nang may pagsusuri; at may isang writer’s group na nabuo mula sa 2024 Citywide Workshop— ang AGOS ng PASIG. Bumalik kami sa balitaktakan ng gitnang uri at ang pagiging malaking seksyon ito ng socio-economic class, at nailapag ko sa mga kapatid na gusto ko kumatha ng isang kwento ng dalawang binatang magkaibigan na nagkabaligtad ang kanilang mga paniniwala dahil sa mga danas nila sa magkaibang baitang ng pagiging gitnang uri.

Ginamit ko ang Barangay Pineda at Barangay Kapitolyo ng Pasig bilang setting ng aking akda. Kasabay ng paahon at pababang mga kalsada ng dalawang pamayanan ay nagamit ko rin ito bilang isang metro (or metric) kung paano nagkakaiba ang sensibilidad sa pagpapalaki ng pamilya at kinagisnang kabataan kahit sa kwento, ang dalawang karakter ay parehong nag-aral sa iisang Elementary School. Magandang mekanismo ng diskurso ang topograpiya ng umaalong lugar, at pwede rin itong iangkla ang pagkakaintindi ng mga tao sa napapanahong paksa ng troll farms at disinformation campaign.

Sana lamang ay nabigyan ko ng hustisya ang sentimiyento ng aking bunsong kapatid sa pamamagitan ng pagkatha nitong maikling kwento.

Bad News

Kaibigan,

Ikinalulungkot ko sabihin sa iyong hindi nakaabot ang ipinasang akda sa in-extend na deadline para sa 2nd Pasig Writers Workshop.

Ngunit huwag mangamba, asahan mong sisikapin ng AGOS ng PASIG na magkaroon ng palihan kada taon.

Bilang kaibigan sa panulat, gusto kong sabihin sa iyo: kahit hindi ka umabot sa deadline, ang mahalaga ay ang danas at ang kapit nun sa personal na sensibilidad. Pakatandaan ang tindi ng sigasig sa pagtatagpi ng mga salaysay at pagpapadaloy ng iyong boses sa mga kwento na magbibigay kulay sa ating munting bayan.

Nang sa gayon, mas tukoy mo na ang disiplina ng pagsusulat.

Lavarn lang! ✊🫠

May next year naman,

Maria Ella Betos
President

Deadline

00:01 PHT, #TheBank MPR Flr 8

Hours ticked as fast as my fingers tapping the keyboard. My eyes were hovering over the number of tax lot breaks all throughout the first half of my day, while a simple glimpse on the phone that never stopped beeping with mail alerts, hours before the cut-off.

Just like New York Stock Exchange, hopeful workshoppers placed their bets on their craft, wishing to be part of this second citywide workshop.

And at the struck of midnight, I sent the last email response:

“Kaibigan, magwagi!

Ikaw ang pinakahuling nagpasa ng akda para sa ikalawang palihang panlungsod ng Pasig!

Mangyari po lamang na hintayin ang anunsyo kung kayo po ang isa sa mga napili na magiging fellow sa darating na 2nd Pasig Writers Workshop.”

Then at 00:01: a radio silence.

Snippets of the Last Frontier of Floody Manila

Book Review of Barcelona by Criselda Yabes

Ang ganda ng naging reading journey ko!

Nakatulong ang konteksto ng Some People Need Killing as Review of Related Literature (RRL) for processing trauma from EJK and the psyche of people who fight against the harsh reality of Drug War.

Kung ako ay may anak, ipapabasa ko ba ito? Sa isang dose anyos, oo. Kasi, 12 years old ako nang mabasa ko ang Dekada 70. At nakakagising siya ng diwa ng pagkakapantay-pantay at umuugong sa puso ang kabuuan ng boses ng tao sa aktibismo. Pero, mas maganda ito kung guided reading ng mga nakakatanda, kasi mas maipapaliwanag ng mga guro o ng mga magulang kung bakit ganun ang karanasan ni Barcelona. Ipapaliwanag ang kawalan ng pribilehiyo, ang mismong kalakaran ng droga, at yung panggagago ng mga pulis sa mga taong tingin nila ay hayop, o basura.

Naka-relate ako sa persona ni Barcelona. Na, “Ang anak ay bunga rin ng Ama”. Matandang dalaga, walang anak. Pero may mga nakapalibot na komunidad. Isa pa, may inggit rin kahit paano. Kasi ang tatay nya hindi naman masamang damo. Sadyang biktima lang ng pagkakataon. Sobrang kabaligtaran ng danas ko. Anak nga ako (ni papa), pero mas kilala ko ang mga ugali at gawi na hinding-hindi ko ipapamana. Isa pa, mas nanaisin kong basagin ang sumpa ng generational trauma sa pamamagitan ng pagtila ng pagpaparami ng lahi niya (100% ayoko ng anak, kahit multuhin nya pa ako in the near future, haha!).

Haha, mapakla ulit. Sorna.

Medyo nagulat ako sa open ending ng akda. Bakit sa lighthouse? Bakit hindi ideretso sa paraiso? Baka yun talaga ang plano ng author: ipaliwanag na ang laban ay isang mahabang marathon at hindi isang pasadang takbo.

Paglagos, Papunta, Pabalik

Published in the Literary Tuesdays of Mountain Beacon

“Kuya, daan tayo sa mahiwagang portal! Ipapakita ko sa inyo…”

Isang napakahabang street, taliwas sa regular na bagtasan ng mga galing kyusi, ang Sta. Teresa De Avila. Ito ang aking mahiwagang shortcut mula sa condo papunta sa opisina ko sa BGC. Katapat ang ilog na naghahati sa dalawang lungsod: Ang Pasig kung saan ako naging batang yagit; at ang Makati kung saan ako minulat ng pag-aaral, ng nagtataasang mga gusali, at ng katotohanang sila ang kuta ng mga naghaharing-uri. Ang aking nakilalang Makati, na sa isang iglap ay biglang sinakop ng Taguig.

Katulad ng Ilog Pasig na natutuyo sa tag-init at sapilitang nilalamon ng putik, tila sapilitang nilulukob ang kinagisnang EMBO ng BGC. Tinatago ng mga naglilipanang gusali ang tunay na nagpapawis, makabayad lang ng overwhelming buwis na dapat ay para sa mga burgis. Paano pa ba makakatipid sa pasahe at gastusin kung sa ilang linggong paparating ay araw-araw nang papapasukin (sa opisina)? Minsan, gusto ko na lang tumalon sa ilog at magpaanod dahil ang buhay recently ay nakakapagod…

Pero heto ako, patuloy na lumalangoy sa mahiwagang portal mula sa opisina, pabalik sa bayang naging taal.