Gatekeeper Ingga: Ang Huling Orasyon

This is the Young Adult short story submitted to the 2026 Amelia Lapena Bonifacio Writing Workshop of UP Diliman

Alas-singko ng hapon. Quinta Market.

Nakatitig si Mang Al-moslima sa mga pasamano kung saan naka-display ang mga lumang telepono. Ito ang kanyang bentahe dito sa palengke. Sakto at sabado, maraming namamalengke. Maraming magiging kustomer na maaaring mahikayat na bumili sa kanya ng mga vintage phones. May mga araw na kalakasan, may mga araw ring matumal ang bentahan. Ito ang kanyang hanapbuhay: ang bumili ng mga lumang telepono, bubutingtingin nang konti, at irereset ang setting para maibenta ito nang parang bago. At dahil ito ay mga vintage, maraming mga kabataan ang curious sa mga teleponong limitado ang app, o mga naghahanap ng mala-analog para hindi malulong sa social media.

Kasama nitong nagbabantay si Ingga, isang dalagita na mahilig sa gadget at sa computer. Marunong siyang magsetup ng gaming PC kahit luma ang mga piyesa nito. Magaling rin itong mag-unlock ng mga iPhone (na madalas nagiging request sa kanya ng mga ka-eskwela), at magbuild ng experimental OS sa kanyang lumang laptop para hindi madaling ma-hack. Madaling libangin ni Ingga ang sarili sa pagko-code.

Kahit ampon si Ingga ni Mang Al-moslima, itinuring niya rin itong tunay na anak.

“Mang Al, pa-reserve ako ng isang dosenang flip phone dito ah, gagawin kong burner phone!” Sigaw ni Ingga sa may-ari.

“Hay naku, hija, hindi yan libre ah. Ayan ka na naman sa pag-eksperimento mo!”

“Opo, magbabayad po ako. May ipon pa po ako rito. Kailangan ko lang ng maraming backup sa mga ginagawa kong configuration. Mabuti na at handa tayo.”

“Ha? May na-detect bang mga Dagitab ang laptop mo?”

Tinitigan ulit ni Ingga ang upcycled Dell laptop niya at nasa taskbar ang isang alert na may nakasulat na Dagitab Detected! Pagka-click niya rito, bumuklat ang interface na may red dot na nakatutok sa Muralla St. “Oo eh. Baka lumabas sa Intramuros ito at lalong delikado. May mga na-set up naman akong mga burner phone rito, pero kailangan ko pa rin ng reserba.”

“O sige, mag-iingat ka. Gamitin mo na rin yung reserba kong motor. Naka-park sa labas.”

Kumaripas ng takbo si Ingga nang dinugtungan ni Mang Al-moslima ang sigaw, “Huwag kalimutan ang lisensya at ang helmet!”

Bumiyahe si Ingga patungo sa Intramuros, at nag-alert ang kanyang smart watch. Ang red dot ay nasa Intendencia Ruins. Pagkadaan sa Magallanes Drive, napansin niya ang biglang pagdilim ng paligid. Pumarada sya sa malapit na bangko.

Sa kabilang dako, may isang empleyadong babae na naglalakad sa Muralla Street. Katatapos lang ng kanyang trabaho at inaasahan niyang maliwanag pa ang alas-sais, pero nagulat siya na parang bigla ang pagkagat ng gabi. Kailangan niyang magmadali umuwi, delikado kapag madilim.

Hindi niya alam kung ito ay guni-guni pero may naririnig siyang kakaibang mga ugong. Parang may dumadaloy na kuryente sa kalye. Sa kaliwa’t kanan, may mga naglabasan na mga anino at tumambad sa kanyang harapan. Lahat sila parang may wire sa mga mukha. Lahat naka-black suit, at saba’y-sabay na nagsabing, “Halika. Sumama ka sa amin. Sumama ka sa dilim.”

Napasigaw ito sa takot.

Pero nang marinig niya ang paulit-ulit na beep, nagitla sya. Tumigil ang mga Dagitab, tila nagmamatyag kung kanino galing ang tunog. Ang beep na ito ay walang iba kundi galing sa smart watch ni Ingga na handang lumaban sa mga ito.

Binuksan ni Ingga ang dalawang flip phone, naka-set na ang configuration. Kita sa screen ang Santelmo simulation: standby nang bigla niyang hinagis ito sa mga kalaban.

“Ate, takbo!” Ang sigaw niya sa magiging biktima ng mga Dagitab. Nang itong makalayo sa mga kalaban, pinindot niya ang kanyang smart watch at gamit ang bluetooth technology, nagbago ang nakasulat sa phone:

Santelmo simulation: Gate Open.

Bago namatay ang mga phone, lumabas ang malalaking bola ng apoy at kaliwa’t kanan na tinupok ang mga Dagitab. Unti-unti silang naaagnas hanggang sa itong naging maliliit na kristal. May isang tila tatakas sa engkwentro pero hindi ito hinayaan ni Ingga. Iniangat niya ang kanyang kanang braso at sumigaw ng, “Gate Open!” Lumabas ang water blast at naitumba niya ang huling Dagitab.

Ang mga natalong Dagitab ay naging mga maliliit na puting kristal na tila hugis kidlat. Nagkalat sila sa harap ng Intendencia Ruins, at unti-unting naging normal ang paligid. Totoo nga, madilim na sa bandang ito ng Muralla Street kapag alas sais ng gabi.

Inipon ni Ingga ang mga mga maliliit na kristal na ito, mga tinatawag nilang Kidlat. Kailangan niyang ibalik ang mga ito sa tindahan ni Mang Al-moslima. Kailangang ligtas ang mga Kidlat. Kailangan nilang ingatan. Kailangan nilang pag-aralan kung paano maibabalik sa dati ang mga ito. Dahil bago pa sila naging Kidlat, sila ay mga Dagitab. At bago pa sila maging Dagitab, sila’y mga tao rin. Napariwara. Nawala sa tamang landas. At nakianib sa inaakala nilang makakatulong sa kanilang pagginhawa.

Isang Gatekeeper si Ingga. Yun ang tawag sa mga katulad niyang may paranormal na kapangyarihan. Biniyayaan ng mga bathala, para talunin ang mga Dagitab at tumulong sa pagpapanatili ng kapayapaan sa kamaynilaan.

Mabuti at may mga reserba syang flip phone. Sa tulong ng kanyang talento sa computer coding at pag-build ng mga OS, nagagawa niyang magkaroon ng panibagong buhay at layunin ang mga lumang phone: maging artificial gates. Ito ang magiging bala niya kapag maraming Dagitab sa paligid at wala siyang kasamang kumalaban ng mga ito.

Isang Gatekeeper si Ingga. At kasama sa trabaho niya ang pagsara ng huling portal sa Intramuros.

Itinago niya ang mga Kidlat sa kanyang bag at nagsimulang maglakad pabalik sa paradahan ng motor. Kailangan na niya munang ibigay ang mga ito kay Mang Al-moslima, bago gawin ang huling misyon.

Alas-otso y medya ng gabi. Manila Cathedral.

Nakalock ang simbahan.

Tinitigan ni Ingga ang karangyaan ng malaking simbahan. Sinariwa ang paalala ng mga magulang. “Manatiling maging mabuti, makatao, at makatarungan.” Ito ang aral na kanyang isinasapuso at inaalala sa tuwing siya’y sasabak sa laban. Ito rin ang mga huling salita ng kanyang Ina’t Ama sa kanya bago nila isara ang portal sa mismong dambana nito at hindi na nakita.

Ang kwento ni Mang Al-moslima sa kanya, mahigit dalawa’t kalahating dekada na simula nang pumutok ang I Love You Virus. Kasabay nito mismo nagbukas ang mga portal na nasa pitong simabahan ng Intramuros. Habang nasisira ang karamihan sa mga computer at electronic gadget sa buong mundo, nagsimula na ring lumabas ang mga Dagitab – mga masasamang elemento na naghahasik ng lagim at sumasanib sa mga tao para sila ay dumami. Kapag mas masama ang tao, mas madaling maging Dagitab. Hindi maipaliwanag kung bakit nangyari ang ganitong kababalaghan, pero mahabang panahon na rin ang pakikidigma ng mga katulad ni Ingga para isa-isang isara ang mga portal na ito. “Mabilis lang ang mga taon, kaya’t mas magandang maisara agad ang lahat ng portal,” yan ang laging banggit ni Mang Al-moslima, na isa ring Gatekeeper. Sa pamamagitan ng kanyang grupo, naisara nila ang unang portal sa dating kinatitirikan ng Simabahan ng San Francisco noong panahon ng Digmaang Hapon.

Ang unang portal na nabanggit ni Mang Al-moslima ay sa mismong paaralan kung saan nag-aaral ngayon si Ingga. Grade 12 na siya ngayon sa Mapua. Pagkagraduate ng Senior High School, itutuloy nya ang tinahak mula sa STEM learning stream at kukuha ng kursong Computer Science. Maliban sa magagamit niya ang piniling larangan sa kanyang inaasam na karera, ginagamit na niya ang mga natutunan rito bilang Gatekeeper.

Grade 8 siya nang una niyang nalaman ang kanyang kapangyarihan. Isang araw pagkatapos ng kanyang klase sa high school, tinawag siya ni Mang Al-moslima at kinuwento ang kanyang kasaysayan: Siya ang tagapagmana ng kapangyarihan ni Aman Sinaya, ang diyos ng karagatan. Katulad niya, may mga likas na kapangyarihan din ang kanyang mga magulang. Ang kanyang ama, hawak ang biyaya ni Lihangin, kaya Gatekeeper ito ng Bagyo at Unos. Ang kanyang ina nama’y may biyaya ni Alunsina, at naging Gatekeeper ng Liwanag at Buhay. Noong anim na taon si Ingga, inihabilin siya ng kanyang mga magulang kay Mang Al-moslima, at sinabihan ang bata na makinig nang mabuti sa matanda. Maging mabait bilang anak-anakan, at bilang estudyante.

At ito ngang kung kailan sya nasa high school, tinuro sa kanya ang misyon ng isang Gatekeeper. Isang araw, naitanong ni Ingga kung nasaan ang mga kasama ni Mang Al. Malulungkot ang mga mata ng matanda nang itinapat niyang ang mga gatekeeper ay kinukuha ng mga Bathaluman kapag tapos na ang kanilang misyon. Ika nya, maaaring ikawala ng iyong sarili ang labis na pagbubukas ng paranormal na kapangyarihan.

At ito ang maaaring nangyari sa kanyang ama’t ina. Hindi tukoy kung nasaan ang kanilang mga katawan: kung nahigop kasabay ng pagsara ng portal ng Manila Cathedral, o baka na-overuse ng Gate at sila ay naging mga espiritu — mga naging ganap na alagad ng mga Diyos.

Bumulong siya ng isang dasal sa mga magulang na tulungan siya sa pagsasara ng huling portal.

Tumunog ang kanyang smart watch. New message from Hikari. Mukhang hinahanap na siya ng kanyang ate Hikari, isa ring Gatekeeper. Naging estudyante ito ng kanyang ina dahil pareho sila ng kapangyarihan. At katulad ni Ingga, isa itong magaling sa mga makina at motor. Nakatapos ito ng Mechanical Engineering sa Mapua, kaya maalam paano mag-restore ng mga motor at mga lumang sasakyan.

“Ingga, bukas na ang simbahan. Pwede ka nang dumeretso rito.”

Alas-nuwebe ng gabi. Simbahan ng San Agustin, Intramuros.

Pumasok si Ingga loob ng simbahan at itinuon ang pagtitig sa dambana nito. Habang naglalakad patungo sa dambana, tanaw niya ang isang maitim na portal na tila isang puyo ng anino na humihigop ng anumang liwanag at handang maglabas ng panibagong laksa ng mga kalaban. Sa bawat pag-ugong ng portal, ramdam niya ang bigat ng tungkuling isara ang pintuan ng kadiliman bago pa ito tuluyang lumamon sa mundo ng mga tao. Determinado ang kanyang mga mata—isang pagtatagpo ng banal na tapang at ng misteryo ng supernatural.

“Ate Hikari, handa ka na ba?”

Sa gilid ng dambana, nai-set up na ni Hikari ang kanyang generator at laptop. Nakatulos na rin ang mga lightning rods, isa sa bawat sulok. Nakatali sa bawat rod ang burner phone na may Kalasag configuration: Live, na makakatulong na pigilan ang paglabas ng mga Dagitab sa simbahan.

Tumango ang kanyang kausap, “Server is live.”

Kabado si Ingga. Natatakot, pero mas determinado siyang tapusin ito. Dama niya ang bakas ng kasaysayan at pananampalataya ng kanyang mga magulang patungo sa isang bukas na wala na ang mga Dagitab. At kahit ang mga portal na ito ay mananatiling nakasara, at kahit ang mundo ay patuloy sa pag-ikot, ipinapangako niyang mananatili ang kapayapaan at patuloy nilang itataguyod ang pamumuhay nang marangal at makatarungan.

Tumayo sya sa gitna ng dambana. Bumuntong-hininga. “Ina, Ama, narito na ako.”

Binuksan niya ang kanyang jacket at naroon sa inside pocket ang apat na burner phone. Lahat naka-calibrate sa Alunsina configuration, kapareho ng frequency sa likas na kapangyarihan ng kanyang ina. Sa pamamagitan ng lumang smart watch, pagka-on ng bluetooth, inihagis niya ang at lumitaw sa screen: Alunsina simulation: Gate Open.

Ito ang kanyang huling orasyon.

Macapa[ga]l Playbook

Working draft of 2025 submission to Palihang Rogelio Sicat. Constructive feedback are welcome, just message me on instagram.


Alas nuwebe na, pero hindi pa tulog ang Barangay Pineda. Tahimik? Oo. Pero buhay? Laging oo. Dumaan ang Vios sa isang street na may abandonadong police outpost at tinatakluban ng dilim, dala ng malaking puno ng  balete. Ang puno ay tila isang matandang marunong nang magbasa ng realidad. Alam nito ang kwento ng dalawang lagusan: ang maalong kahabaan ng F. Banaag, kung paano ito maging isang kanlungan ng mga taong nasa iba’t-ibang baitang ng mga manggagawang uri; at ang maluwang at patarik na kalsada ng Sta. Clara, patungo sa mailaw na daan at  marangyang Barangay Kapitolyo. Palatandaan ang balete lalo na sa mga grab driver, kasabay ang malasinghal na pagmumura at pasasalamat ay ang pagluwag ng daan, isang palatandaan ng pagkakaiba ng social strata ng magkapit-barangay. 

Sa tapat ng balete ay may isang compound na pag-aari ng matandang mag-asawa, ang mga anak ay nagsipag-abroad at ang tangi nilang kapiling ay mga nangungupahang corporate employees at mga construction worker na pinili ang mas maayos na pahingahan kaysa sa barracks ng kanilang site. Dito rin nangungupahan si Ken Sanguyo, matapos niyang ma-finalize ang benta ng kanilang family home sa may simbahan ng Kapitolyo, pangpondo sa kanyang naitatag na NGO. 

Sa loob ng kanyang mumunting apartment, tanging liwanag mula sa laptop screen ang nagpapasiklab sa dilim. Nakaupo si Ken sa gilid ng kanyang kama, nakatitig sa balitang kakarating lamang mula sa Kalinga—mula sa mga taong hindi basta-basta lumilitaw sa liwanag. Isang kasama mula sa bundok ang nagbigay sa kanya ng impormasyon: may isang bagong teknolohiyang pinapagana ng artificial intelligence, proyekto ng isang diumanong Macapagal. Sa sandaling maipatupad ang algorithm na ito, papalitan nito ang lumang kalibreng ginagamit sa mga troll farms. Alam niyang sa panahon ngayon, hindi baril o bomba ang pinakamalakas na sandata—kundi ang mga linya ng code na kayang bumaluktot sa katotohanan, kayang baguhin ang pananaw ng masa sa isang kumpas ng otomatikong ritmo. Sa isang kisapmata, maaaring mapalitan ang kwento ng nakaraan, maaaring mapalitan ang anyo ng kasalukuyan.

Ilang ulit na ba niyang nakita ang gulong ng kasaysayan na umiikot, waring walang pagbabagong hatid? Ilang ulit na rin niyang tinanong ang sarili—hanggang kailan siya magiging isang tahimik na saksi? 

Sa kanyang laptop, bumukas ang isang PDF file. Mga daliri niya’y mabilis na gumalaw sa keyboard. Hindi niya sukat akalain na si codename: neo_kingmaker ay hindi pulitiko, kung di isang lalakeng kaedaran niya. At lalong nakagigimbal na ito mismo ang kanyang malapit na kaibigan, si Iko Macapagal. 

Alam niyang may papel siyang dapat gampanan. At ngayong gabi, sisimulan niya ito.


Dama ni Ken ang sipa ng makinang pagod, ang gasolinang bumabaho sa hangin habang inaangkas niya ang tricycle paahon sa Pasig Boulevard. Pumara siya sa harapan ng lumang Brgy. Pineda signage, ang kaasulan ay pinandidiliman ng magugulong electrical wiring. Tinawid niya ang overpass at natanaw ang Rizal Medical Center—mga ilaw sa emergency room nagpi-flicker na parang nasasaniban. 

“Pre, putangina, si Jay…”

Bumalik ang boses ni Iko sa isip niya, parang alingawngaw ng isang gabing hindi pa tapos. August 2017. Ilang-ilang Looban. Puno ng mga usi at marites, pero walang gustong tumingin nang matagal. Binaliktad ng mga tanod ang bangkay ni Jay. Nangingitim na, parang bangungot na hindi magising. May shabung nakatape sa kanang kamay. Parang props lang sa entabladong ginawa ng pulis. 

Wala pang isang linggo mula nung si Kian, dun sa kalsadang puro putik sa Caloocan. Wala pang isang linggo mula nung nalaman nilang kahit bata, pwedeng kalimutan.

Script. 

Pabula. 

Para pag-usapan sa balita, at maglao’y naging alamat. 

Nung gabing ‘yon, hindi na umuwi si Iko. Nagkaroon ng unspoken rule na siya na ang roommate ni Ken sa family home. Ang malaking bahay na may minsanang dalaw ng katulong ang naging kanlungan ng magkaibigan, parehong ulila ng pagkakataon: si Ken, bilang anak ng mga civil engineers sa Kuwait; at si Iko na nakikitira sa tiyahing arawan ang sahuran. At least dito, mas maluwang at mas ligtas dahil malapit sa simbahan. Sa paglipas ng mga buwan, pinuno ni Iko ang katahimikan ng tunog ng keyboard, kodigo ng bagong buhay, tunog ng hiningang hindi pa natitigil. Trauma? Hindi niya gustong pag-usapan. Hindi niya gustong balikan. Kaya’t pinili niyang magpakalunod sa thesis, sa syntax, sa debugging, sa anumang bagay na magbibigay sa kanya ng kontrol. Dahil sa coding, alam niya kung saan siya nagkamali. Alam niya kung paano ito itatama. Hindi tulad ng totoong buhay, kung saan minsan, kahit anong ayos mo, may mga bagay na hindi mo kayang i-debug. 

Dumaan ang May 2018. Tinapos nila ang dapat tapusin. 

Ken, AB Public Administration. 

Iko, BS Computer Science. 

Nakadamit pormal, may hawak na diploma. Dalawang linggo lang, umalis si Iko.

“Sa Makati na ‘ko, pre.” 


Naramdaman niyang malamig ang gabi, pero mainit ang alaala. Sa pagitan ng dalawang kalye—sa pagitan ng dalawang mundo—sino na nga ba si Iko? Isa bang multong hindi matanggal sa kasaysayan ng Pineda, o isa nang aninong unti-unting nilulunok ng Kapitolyo? Nilulunod si Ken ng mga alaala’t katanungan habang hinaharabas ng jeep ang kahabaan ng Pasig Boulevard, ninanakaw ang mga sansaglit ng walang trapik sa alas-diyes ng gabi.

Bumaba si Ken mula sa jeep, tinapik ang bulsa para siguraduhin may pamasahe pa siyang pauwi. Nasa pinaka-entrada na siya ng Capitol Commons, Pasig—isang lugar na tila may sariling mundo. Malapad ang kalsada, malinis ang paligid, at kahit gabi na, parang umaga pa rin sa kinang ng mga ilaw mula sa mga restobar at high-end boutiques. Hindi na siya sanay sa ganitong lugar. Mas gamay na niya ang Benguet, kung saan nagiging minsanang kargador sya ng mga gulay at tagahatid ng mga ito patungo sa kanyang mga tinutulungang grupo na nagpapatuloy sa Community Pantry mula noong pandemic lockdowns. Pero nandito siya ngayon, hinahanap ang Tipsy Pig, isang gastropub na usong-uso sa mga bigating millennials at influencers na gustong magmukhang effortless pero halatang pinag-isipan ang outfit. Dahan-dahan siyang naglakad, tinutunton ang direksyon gamit ang Google Maps. Hindi niya na kailangang tingnan ang paligid para malaman na iba ang mundo rito—ang amoy ng mamahaling pabango, ang ingay ng halakhak na walang bahid ng pag-aalala, at ang presensya ng mga taong hindi kailangang bilangin ang laman ng kanilang pitaka bago umorder. Pero wala siyang pakialam. Nandito siya hindi para magkumpara, kundi para makita si Iko. Hindi basta mawala sa isipan ang impormasyon ni neo_kingmaker, at ang huling mensahe sa PDF file na, “The only way to stop the release of algorithm is to kill its creator.”

Napapikit siya saglit, nilalasahan ang bigat ng mensahe.

Sa gitna ng kislap ng lungsod, sa ilalim ng malalamig na ilaw, isang tanong ang bumibigat sa kanyang dibdib—kaya ba niya? 

Nag-apir ang dalawa, dama ang pagkamiss ng isa’t-isa na hindi nagkita simula ng pandemic lockdown. Nagkakausap na lang sila kapag may minsanang kulitan sa messenger at sa minsanang tawagan, lalo na’t busy si Iko sa kanyang pagiging “Tech Bro”.  Hindi rin masisi ni Ken ang sarili at busy siya sa kanyang ginawang NGO noon pa man, lalo na’t nang mag-viral ang Community Pantry. Nakita niya ang balita at naghanap ng kakilala para makatulong siya sa pamamagitan ng pagbaba ng mga pagkain mula sa Benguet. 

“So paano ka pala nakarating dito? San ka nakapark?”

Pabulong na sumagot si Ken, “Ha? Eh di nag-jeep.” 

Nagtaka si Iko. “Nasaan ba kasi ang sasakyan mo pre?”

“Wala na, binenta ko na. Pang-pondo sa NGO. #ParasaBayan, ganun.”

“Boang. Nakanino na? Pwede kong bilhin, may paparating naman akong paldo ulit, bukas na ang deployment to prod nun.”

“Deployment? Sundalo ka?”

“Gagu, hindi. Yung tech project ko pumasa na sa testing. Baby ko yun so kapag ok ang resulta, mataas ko maibebenta. On top of that, may performance fee. Kapag naging successful yun dito sa Pinas, pwede ko syang iexport as a playbook.”

“Playbook?”

“Sorry, corporate jargon. App siya, pero wala sa google o apple store. Sa selpon ko pa lang meron.” 

Hinugot sa bulsa ang isang lumang Asus zenphone at sa bilis ng mata ni Ken, napansin niyang gumuhit ng letrang L si Iko bago ito nag-unlock. Pinindot nya ang isang folder icon na nasa home page, at bumungad ang isang mala-papel na icon  na may filename na d_Macapa[ga]l_ggwp.exe

Natawa si Ken. “Ano ba namang pangalan yan?! Halatang gawa mo gar, parang tamang jejemon lang eh!”

Ngumiti si Iko. “Syempre ako ang imbentor, minsan lang magpasikat! Trabaho neto ay gumawa ng automatic facebook post depende sa gusto ng customer, pati comments ng mga kunyaring user. Alam din ng playbook kung araw at oras maganda magpost para marami mag-comment na totoong tao at lalong magviral.”

Natigilan si Ken. Ninamnam ang huling sagot ng kanyang bestfriend, saka niya seryosong tinanong. 

“Hindi ka ba natatakot, Iko?”

Napakunot-noo si Iko at hinarap si Ken. “Sa’n?”

“Sa ginagawa mo. Sa ‘d_Macapa[ga]l_ggwp.exe’ mo. Kahit sino, pwedeng bumili ng AI mo para gumawa ng troll farm, magpalaganap ng kasinungalingan, at impluwensyahan ang eleksyon.”

Ngumiti si Iko, isang tipid na ngiti ng isang taong walang oras sa moral lectures. “Ken, negosyo ‘to. Automation. Progress. Hindi ko kasalanan kung paano ginagamit ng tao ang tech na ginawa ko.”

“Pre, ‘wag mong gawing neutral ang isang bagay na may malinaw na epekto. Ang AI mo, hindi lang ‘to automation. Isa ‘tong makina ng disimpormasyon. Isang click lang, may libo-libong fake accounts na. Isang click lang, may manufactured outrage na. Isang click lang, kayang burahin ang katotohanan.”

Umiling si Iko. “At anong gagawin mo? Magrereklamo sa gobyerno? Wala ngang batas tungkol dito, Ken. Hindi illegal ang troll farms. Hindi ako kriminal.” Tumawa siya, pero si Ken, nanatiling seryoso. 

“Dahil lang walang batas, ibig sabihin okay lang? ‘Yan ba talaga tayo, Iko? Alam mong may mali, pero dahil hindi pa ginagawang batas, parang wala lang?”

Huminga nang malalim si Iko. Sinandal niya ang katawan sa upuan at pinagmasdan si Ken, parang iniisip kung paano ipapaintindi sa kanya ang isang bagay na sa tingin niya, hindi na dapat ipaliwanag. “Ken, hindi ako pulitiko. Hindi ako aktibista. Hindi ako katulad mo. Ginawa ko ‘to kasi may demand. Kung hindi ako ang gumawa, may ibang gagawa rin. At ang tanong, sino ang mas responsible? Yung may alam kung paano ito gumana, o yung bibili at gagamit ng tech na ‘to para sa sarili nilang interes?”

“Ganyan din ang sinasabi ng mga illegal mining company, par. ‘Kung hindi kami ang mag-quarry, iba ang kukuha.’ Paano mo nga aayusin ang isang bulok na sistema kung ikaw mismo ang nagpapalakas nito?” 

Biglang dumaan ang waiter at ibinaba ang inorder na dalawang bote ng Sanmig Super Dry at isang maliit na pan ng Tipsy Sisig. Tahimik nilang kinuha ang kanya-kanyang serbesa. Nagtagal pa ang katahimikan. Sa labas ng bintana ng Tipsy Pig, tanaw ang ilaw ng Capitol Commons—mga gusaling puno ng corporate offices, restaurants, at overpriced na coffee shops. Dito, hindi halata ang epekto ng mga troll farm. Pero sa social media, sa bawat click, sa bawat viral post, sa bawat manipulated narrative, unti-unting mahuhubog ng AI ni Iko ang realidad ng bansa.

“Alam mo, Iko, darating ang panahon na magkakaroon din ng batas para pigilan ang ganito. At kapag dumating ‘yon, ikaw ang magiging poster boy ng kung paano sinira ng AI ang demokrasya natin.” 

Matalim ang tingin ni Iko. Pero imbes na sumagot, sinimulan niya ang seremonya ng pag-inom.

“Ken, kung mahuli man ako, anong kaso ang isasampa sa’kin? Cyber libel? Hindi ko naman gawa ang sinasabi ng AI. Ako lang ang gumawa ng tool. Parang kutsilyo lang ‘to—hindi kasalanan ng panday kung ipangsasaksak mo ‘to sa tao.”

Huminga nang malalim si Ken. “Pero pre alam mo… Sa totoo lang…”

Biglang lumabas ang malakas na tawa bago nito tapikin ang likod ni Iko. “Ikaw ang kilala kong may kaya na naka-android phone! Lumang-luma pa, jusko! Hindi ka ba nahumaling sa iPhone? May lalabas na bago ah!”

Humalakhak pabalik si Iko, “Hahaha! Hindi naman ako ganung jejemonggago na nakikigaya. Wais tayo, hindi ako magpapalubog sa utang para lang sa gadget! Isa pa, mas kaya kong mag-save ng mga nagagawa kong program dito.” 

Umorder pa ang dalawa ng tag-isang bote ng serbesa, at tinuluyan nilang papakin ang sisig. Tinuloy din nila ang kwentuhan, tungkol sa mga lumipas na taon mula nang huli silang magkita. Pero ang mga naihapag na anekdota ay malayo na sa AI at tinatrabaho ni Iko. Batid ni Ken, na sa pagitan nilang dalawa, hindi na kailangang sabihin ang totoo—na may linya silang tinatawid, at wala nang balikan.

“Salamat pare ha, ihahatid mo pa ako. Nakakahiya.”

“Ano ka ba, wala yun!” Hinugot ni Iko ang phone, gumuhit ng letrang L saka pinindot ang app na mag-automatic on ng kanyang Ford Ranger. Namangha si Ken sa nakita. 

“Dun ka pa rin ba sa malapit sa simbahan ng Kapitolyo?”

Sumagot si Ken, “Ay hindi na, sa Pineda na ako. Nagre-rent ako dun sa may compound, tapat ng Balete. May gate naman kaya ligtas dun kahit hatinggabi. Baka mapalayo ka pa. San ka na ba nakatira ngayon?” 

Napangiti si Iko. “Ano ka ba? Hindi naman ako masyado umalis sa kinalakhan natin. Malapit lang din ako, pero dun ako sa sa loob ng Capitol 8. Dun na ako nagre-rent. Alam mo na, nakaahon na sa buhay. Hatid muna kita.”


Tahimik si Ken. Habang bumabagtas ang kotse sa Shaw Boulevard, napatingin siya sa mataas na gusali ng mga condo, isang malaking palatandaan ng pagbabago ng Kapitolyo. Napatitig siya sa mala-hotel na liwanag ng mga maliliit na unit. Sa bawat bintana sa condo, may taong naniniwala sa pekeng balita, may keyboard warrior na nagpapakalat ng kasinungalingan, at may pulitikong bumibili ng imahe niya sa social media.

Hinatid si Ken papasok ng Pineda at sa kahabaan ng F. Banaag, nakita nila ang elementary school kung saan sila naging magkaklase. Nakangising ipinarada ni Iko ang sasakyan sa tabi ng main gate at ini-hazard. Bumaba ang dalawa, pumunta sa harap ng gate ng eskwelahan at nagselfie. 

“Memories!!! Grabe, pinaalala mo na naman kung saan ako galing! Eh hindi na ako yung payatot na nakilala mo.” 

Tinapik ni Ken ang balikat ni Iko, “Hahaha, oo naman! Proud kaya ako sa iyo! Ang galing mo nga eh, hindi ka sumuko. Namamayagpag ka sa larangang tinapos mo! “

“Salamat par. Nakaangat-angat na rin. Pero nakukulangan pa ako, hehe.” 

Sumakay silang muli at tinuloy ang biyahe papunta sa compound na inuupahan ni Ken. 

Pagkapark ni Iko sa harap ng bahay ni Ken, inihazard nya muli ito at nahihiyang nagpaalam. “Pwede makiihi? Nalimutan kong mag-CR sa Tipsy, hindi na ako makakaabot kung magda-drive pa ako.”

Natawa si Ken at sumagot, “Sige lang.”

May tingin nang pagmamadali si Iko nang binuksan ni Ken ang bahay. Sinindihan ang switch ng Omni-led light na nagpaliwanag sa buong bahay. 

Hinayaan nyang pumasok si Iko sa CR at umihi nang bukas ang pinto. Habang pinaparaos ang ihing-ihing pantog, dinadaldal nito ang excitement sa paparating na perang makukuha sa playbook. Habang ume-echo ang sabik, mahigpit ang hawak ni Ken sa .45 kalibreng baril, malamig na bakal na nakasandal sa kanyang palad. Bigla siyang pumasok sa banyo. Pinisil niya ang gatilyo. Bumuntong-hininga ang silencer—isang mahina, nakamamatay na ubo, parang hanging ninakaw ng gabi. Isang pinalulupaypay na tunog ang sumunod nang bumaon ang bala sa dibdib ni Iko, ang kanyang katawan pumalag saglit bago bumagsak sa sahig. 

“Par, sorry. The only way to stop the release of algorithm is to kill its creator.”

Binuksan niya ang gripo sa lababo, ang marahang tulo ng tubig ay sumasabay sa dumadaloy na pulang likido sa sahig ng banyo. Biglang napuno ng dagundong ang utak ni Ken. Nasa loob pa rin ng tenga niya ang alingawngaw ng sagutan at pagsabog ng galit. Napahawak sya sa sariling ulo, pilit inaalis ang tunog ng sariling hininga na parang nakakulob sa loob ng maliit na banyo. Makalipas ang sansaglit, hinugot niya ang lumang phone na nasa kanang bulsa ni Iko. Gumuhit ng letrang L at nag-unlock. Binuksan ang folder at tanaw ang mala-papel na icon ng app. Ni-lock nyang muli ang phone saka ibinulsa sa sariling pantalon. Pumunta sa kanyang cabinet at naglabas ng mga damit, at isinalpak ito nang isang bagsak sa kanyang gym bag bago sya tuluyang lumabas ng bahay. Sinigurado nyang nakalock ang apartment at ang malaking gate bago sya lumabas ng compound, gamit mismo ang sasakyang nakahazard sa tapat ng bahay niya.

Muli, nakatanaw ang matandang balete habang nagdrive palayo si Ken, dinerecho ang F. Banaag. Ang puno kasama ng abandonadong police outpost ay mga naging bantay sa mga kwentong ginagabayan ng malamlam na LED Postlight. Sa pagitan ng katahimikan, ang gabing saksi sa krimen ay nanatiling walang imik. 

Workshop Letter of Intent

Submitted an hour later.

Instead of dilly-dallying on how to sell yourself in the “best image” imaginable, just went brutally honest and get on with it. I am even not a good writer in Filipino, so I opted to write in english / taglish instead.

29 November 2025

Dear Ricky Lee and the Workshop working team,

I wish to attend the workshop because I want to learn about scriptwriting and the best practices to apply the life experiences through the script. So far, I am only able to creatively write these sensibilities through the essays I publish in my personal blog, and do some letter-writing to an imaginary person to expand whatever I have in my mind.

In addition, I want expand my social capital and finally, advocate for myself.

You see, I may be a straight woman, but with the current trends of social political climate and men being asses, I desire a “lavender relationship” — a woman being committed to a gay man. Kahit manlalaki pa sya sa labas, ang mahalaga, sa akin uuwi. At pareho naming pagkukwentuhan kung bakit ang gagago ng mga kapwa lalaki sa panahon ngayon. I do have a goal in mind since my 39th birthday, and aside from submitting this entry, is to write to Marvin Agustin and introduce myself, offering whatever I have as a self-sustaining middle class corporate slave, and finally take a step to get to know the creative people behind the show business and expand my network and tackle the desires of my heart.

Wala kasing ganito sa corporate. Lahat gusto kang anakan.

And maybe this is way beyond the usual reasons for applying to your workshop, I do want to gain experience and networks to finally having this creative pursuit as a retirement career from the daily corporate grind of being a Fund Accountant.

Thank you for considering my application.

Yours truly,

MARIA ELLA BETOS, CPA

Then I attached my Creative Nonfiction about my hike in Mt. Pulag and kind of let them what I know about writing. But then again, the letter of intent is as polarizing as my romantic POV in that essay of seeing that happiest thing happened to date. Wala pa ring tatalo sa isang kilo ng bigas. Kung meron man, it will be that black credit card (and that needs to be written as another entry, but I can’t. Because if I write about it, I don’t own that happy story anymore… it will be the world’s.)

2nd Pasig Writers Workshop Closing Address

I was not able to deliver it at the second day due to the challenges: People are dropping by only for a short while, or photojournals are being pushed first, or panelists trying to leave the workshop as soon as we ended the deliberations proper.

The resolution proposed: Publish this as part of a Newsletter for Scholastic Organizations and for other consumption.


Sa mga fellows ngayong taon, pagbati! Kayo ang naging saksi kung paano gusto naming mga 2024 fellows mangyari ang isang workshop. Nakikita ninyo ang iba’t ibang serye ng pagpapadaloy, ang pagsagwan ng iba’t-ibang kwento, samu’t saring pagkakatagpi ng mga buntung-hininga, at mga ngiting nagsasama-sama.

Batid natin na may mga reunion nang naganap sa inyo, pero mas marami pa rin ang bagito. Sa 89 kataong nagpasa ngayong taon, pinili kayo ng komite hindi lamang dahil may malaking potensyal ang akda, kundi dahil may kakayahan kayong kumarga ng isang malaking misyon: maging Adhika ng Giting sa Obra at Sining ng Pasig. Sabi nga ni Yasmien ng RTU-KAMFIL, “Miss Ella, takam na takam kami sa workshop. Ang meron kasi sa amin, puro seminar, puro mula sa speaker, hindi nasisipat ang ambag naming mga kwento.” Mula sa sumbong niyang iyon, mas nagiging buo ang kagustuhang tugunan ito sa pamamagitan ng AGOS ng Pasig. Na sana, maging mas aktibo ang palihan at palitan ng kuru-kuro sa pagkatha, at maging mas accessible ito sa mismong mga kababayan natin, hindi lamang nakapaloob sa mga State University at sa mga pribadong organisasyon. Ilapat natin ang de-kalidad na palihan para sa masa.

Sa kabila ng maraming pagbabago sa mga asignatura sa eskwelahan, at mataas na krisis ng pagbabasa at pagkatha, salihan pa ng pagsasa-pribado ng ibang mga karapat-dapat na pampublikong espasyo, binuo ang grupong ito na handang sumuong at sumagwan sa mga alon na tila mahirap labanan kapag ika’y nag-iisa. We must call the institutions of our city to help: Magpakilala sa mga barangay, sa mga paaralan, at sa mga ahensya ng ating pamahalaan. Sa kapatiran, pwede tayong magbigay ng lakas at inspirasyon sa mga natutuyong batis sa mga sulok, at idugtong ito sa kalakhang katubigan ng mga magagandang katha na buhuhay sa ating tila natutulog at mala-robot na pagkatao ng ating lungsod. I imagine ourselves boarding a newer version of Bapor Tabo (from Noli Me Tangere), handang dumaloy sa kalakhang Ilog Pasig, nagpapalaganap ng kagandahan ng mga kwentong sariling atin, habang naglilinis ng mga waterlily sa gedli! Haha, charing!

Ang aking munting pakiusap sa mga 2025 fellows ay maging handang tumulong sa anumang paraan: maging susunod na workshop director, o maging coordinator sa iba’t ibang publikasyon, o kahit maging munting sagwan sa aming AGOS Creatives. Bawat ambag, mahalaga. Huwag mahihiyang tumulong sa anuma’t anumang pagkakataon. Mas kailangan namin ito lalo na ngayong gusto nating umugong ang ating panawagan na ipaabot sa masa ang ating adhika.

Mula sa inyong Pangulo, tara tena! Tayong lahat ay magsama-sama sa pagkilos. Padayon sa Pagpapadaloy! Mabuhay ang Adhika ng Giting sa Obra at Sining ng Pasig! 

Bad News

Kaibigan,

Ikinalulungkot ko sabihin sa iyong hindi nakaabot ang ipinasang akda sa in-extend na deadline para sa 2nd Pasig Writers Workshop.

Ngunit huwag mangamba, asahan mong sisikapin ng AGOS ng PASIG na magkaroon ng palihan kada taon.

Bilang kaibigan sa panulat, gusto kong sabihin sa iyo: kahit hindi ka umabot sa deadline, ang mahalaga ay ang danas at ang kapit nun sa personal na sensibilidad. Pakatandaan ang tindi ng sigasig sa pagtatagpi ng mga salaysay at pagpapadaloy ng iyong boses sa mga kwento na magbibigay kulay sa ating munting bayan.

Nang sa gayon, mas tukoy mo na ang disiplina ng pagsusulat.

Lavarn lang! ✊🫠

May next year naman,

Maria Ella Betos
President

Deadline

00:01 PHT, #TheBank MPR Flr 8

Hours ticked as fast as my fingers tapping the keyboard. My eyes were hovering over the number of tax lot breaks all throughout the first half of my day, while a simple glimpse on the phone that never stopped beeping with mail alerts, hours before the cut-off.

Just like New York Stock Exchange, hopeful workshoppers placed their bets on their craft, wishing to be part of this second citywide workshop.

And at the struck of midnight, I sent the last email response:

“Kaibigan, magwagi!

Ikaw ang pinakahuling nagpasa ng akda para sa ikalawang palihang panlungsod ng Pasig!

Mangyari po lamang na hintayin ang anunsyo kung kayo po ang isa sa mga napili na magiging fellow sa darating na 2nd Pasig Writers Workshop.”

Then at 00:01: a radio silence.