Working draft of 2025 submission to Palihang Rogelio Sicat. Constructive feedback are welcome, just message me on instagram.
Alas nuwebe na, pero hindi pa tulog ang Barangay Pineda. Tahimik? Oo. Pero buhay? Laging oo. Dumaan ang Vios sa isang street na may abandonadong police outpost at tinatakluban ng dilim, dala ng malaking puno ng balete. Ang puno ay tila isang matandang marunong nang magbasa ng realidad. Alam nito ang kwento ng dalawang lagusan: ang maalong kahabaan ng F. Banaag, kung paano ito maging isang kanlungan ng mga taong nasa iba’t-ibang baitang ng mga manggagawang uri; at ang maluwang at patarik na kalsada ng Sta. Clara, patungo sa mailaw na daan at marangyang Barangay Kapitolyo. Palatandaan ang balete lalo na sa mga grab driver, kasabay ang malasinghal na pagmumura at pasasalamat ay ang pagluwag ng daan, isang palatandaan ng pagkakaiba ng social strata ng magkapit-barangay.
Sa tapat ng balete ay may isang compound na pag-aari ng matandang mag-asawa, ang mga anak ay nagsipag-abroad at ang tangi nilang kapiling ay mga nangungupahang corporate employees at mga construction worker na pinili ang mas maayos na pahingahan kaysa sa barracks ng kanilang site. Dito rin nangungupahan si Ken Sanguyo, matapos niyang ma-finalize ang benta ng kanilang family home sa may simbahan ng Kapitolyo, pangpondo sa kanyang naitatag na NGO.
Sa loob ng kanyang mumunting apartment, tanging liwanag mula sa laptop screen ang nagpapasiklab sa dilim. Nakaupo si Ken sa gilid ng kanyang kama, nakatitig sa balitang kakarating lamang mula sa Kalinga—mula sa mga taong hindi basta-basta lumilitaw sa liwanag. Isang kasama mula sa bundok ang nagbigay sa kanya ng impormasyon: may isang bagong teknolohiyang pinapagana ng artificial intelligence, proyekto ng isang diumanong Macapagal. Sa sandaling maipatupad ang algorithm na ito, papalitan nito ang lumang kalibreng ginagamit sa mga troll farms. Alam niyang sa panahon ngayon, hindi baril o bomba ang pinakamalakas na sandata—kundi ang mga linya ng code na kayang bumaluktot sa katotohanan, kayang baguhin ang pananaw ng masa sa isang kumpas ng otomatikong ritmo. Sa isang kisapmata, maaaring mapalitan ang kwento ng nakaraan, maaaring mapalitan ang anyo ng kasalukuyan.
Ilang ulit na ba niyang nakita ang gulong ng kasaysayan na umiikot, waring walang pagbabagong hatid? Ilang ulit na rin niyang tinanong ang sarili—hanggang kailan siya magiging isang tahimik na saksi?
Sa kanyang laptop, bumukas ang isang PDF file. Mga daliri niya’y mabilis na gumalaw sa keyboard. Hindi niya sukat akalain na si codename: neo_kingmaker ay hindi pulitiko, kung di isang lalakeng kaedaran niya. At lalong nakagigimbal na ito mismo ang kanyang malapit na kaibigan, si Iko Macapagal.
Alam niyang may papel siyang dapat gampanan. At ngayong gabi, sisimulan niya ito.
Dama ni Ken ang sipa ng makinang pagod, ang gasolinang bumabaho sa hangin habang inaangkas niya ang tricycle paahon sa Pasig Boulevard. Pumara siya sa harapan ng lumang Brgy. Pineda signage, ang kaasulan ay pinandidiliman ng magugulong electrical wiring. Tinawid niya ang overpass at natanaw ang Rizal Medical Center—mga ilaw sa emergency room nagpi-flicker na parang nasasaniban.
“Pre, putangina, si Jay…”
Bumalik ang boses ni Iko sa isip niya, parang alingawngaw ng isang gabing hindi pa tapos. August 2017. Ilang-ilang Looban. Puno ng mga usi at marites, pero walang gustong tumingin nang matagal. Binaliktad ng mga tanod ang bangkay ni Jay. Nangingitim na, parang bangungot na hindi magising. May shabung nakatape sa kanang kamay. Parang props lang sa entabladong ginawa ng pulis.
Wala pang isang linggo mula nung si Kian, dun sa kalsadang puro putik sa Caloocan. Wala pang isang linggo mula nung nalaman nilang kahit bata, pwedeng kalimutan.
Script.
Pabula.
Para pag-usapan sa balita, at maglao’y naging alamat.
Nung gabing ‘yon, hindi na umuwi si Iko. Nagkaroon ng unspoken rule na siya na ang roommate ni Ken sa family home. Ang malaking bahay na may minsanang dalaw ng katulong ang naging kanlungan ng magkaibigan, parehong ulila ng pagkakataon: si Ken, bilang anak ng mga civil engineers sa Kuwait; at si Iko na nakikitira sa tiyahing arawan ang sahuran. At least dito, mas maluwang at mas ligtas dahil malapit sa simbahan. Sa paglipas ng mga buwan, pinuno ni Iko ang katahimikan ng tunog ng keyboard, kodigo ng bagong buhay, tunog ng hiningang hindi pa natitigil. Trauma? Hindi niya gustong pag-usapan. Hindi niya gustong balikan. Kaya’t pinili niyang magpakalunod sa thesis, sa syntax, sa debugging, sa anumang bagay na magbibigay sa kanya ng kontrol. Dahil sa coding, alam niya kung saan siya nagkamali. Alam niya kung paano ito itatama. Hindi tulad ng totoong buhay, kung saan minsan, kahit anong ayos mo, may mga bagay na hindi mo kayang i-debug.
Dumaan ang May 2018. Tinapos nila ang dapat tapusin.
Ken, AB Public Administration.
Iko, BS Computer Science.
Nakadamit pormal, may hawak na diploma. Dalawang linggo lang, umalis si Iko.
“Sa Makati na ‘ko, pre.”
Naramdaman niyang malamig ang gabi, pero mainit ang alaala. Sa pagitan ng dalawang kalye—sa pagitan ng dalawang mundo—sino na nga ba si Iko? Isa bang multong hindi matanggal sa kasaysayan ng Pineda, o isa nang aninong unti-unting nilulunok ng Kapitolyo? Nilulunod si Ken ng mga alaala’t katanungan habang hinaharabas ng jeep ang kahabaan ng Pasig Boulevard, ninanakaw ang mga sansaglit ng walang trapik sa alas-diyes ng gabi.
Bumaba si Ken mula sa jeep, tinapik ang bulsa para siguraduhin may pamasahe pa siyang pauwi. Nasa pinaka-entrada na siya ng Capitol Commons, Pasig—isang lugar na tila may sariling mundo. Malapad ang kalsada, malinis ang paligid, at kahit gabi na, parang umaga pa rin sa kinang ng mga ilaw mula sa mga restobar at high-end boutiques. Hindi na siya sanay sa ganitong lugar. Mas gamay na niya ang Benguet, kung saan nagiging minsanang kargador sya ng mga gulay at tagahatid ng mga ito patungo sa kanyang mga tinutulungang grupo na nagpapatuloy sa Community Pantry mula noong pandemic lockdowns. Pero nandito siya ngayon, hinahanap ang Tipsy Pig, isang gastropub na usong-uso sa mga bigating millennials at influencers na gustong magmukhang effortless pero halatang pinag-isipan ang outfit. Dahan-dahan siyang naglakad, tinutunton ang direksyon gamit ang Google Maps. Hindi niya na kailangang tingnan ang paligid para malaman na iba ang mundo rito—ang amoy ng mamahaling pabango, ang ingay ng halakhak na walang bahid ng pag-aalala, at ang presensya ng mga taong hindi kailangang bilangin ang laman ng kanilang pitaka bago umorder. Pero wala siyang pakialam. Nandito siya hindi para magkumpara, kundi para makita si Iko. Hindi basta mawala sa isipan ang impormasyon ni neo_kingmaker, at ang huling mensahe sa PDF file na, “The only way to stop the release of algorithm is to kill its creator.”
Napapikit siya saglit, nilalasahan ang bigat ng mensahe.
Sa gitna ng kislap ng lungsod, sa ilalim ng malalamig na ilaw, isang tanong ang bumibigat sa kanyang dibdib—kaya ba niya?
Nag-apir ang dalawa, dama ang pagkamiss ng isa’t-isa na hindi nagkita simula ng pandemic lockdown. Nagkakausap na lang sila kapag may minsanang kulitan sa messenger at sa minsanang tawagan, lalo na’t busy si Iko sa kanyang pagiging “Tech Bro”. Hindi rin masisi ni Ken ang sarili at busy siya sa kanyang ginawang NGO noon pa man, lalo na’t nang mag-viral ang Community Pantry. Nakita niya ang balita at naghanap ng kakilala para makatulong siya sa pamamagitan ng pagbaba ng mga pagkain mula sa Benguet.
“So paano ka pala nakarating dito? San ka nakapark?”
Pabulong na sumagot si Ken, “Ha? Eh di nag-jeep.”
Nagtaka si Iko. “Nasaan ba kasi ang sasakyan mo pre?”
“Wala na, binenta ko na. Pang-pondo sa NGO. #ParasaBayan, ganun.”
“Boang. Nakanino na? Pwede kong bilhin, may paparating naman akong paldo ulit, bukas na ang deployment to prod nun.”
“Deployment? Sundalo ka?”
“Gagu, hindi. Yung tech project ko pumasa na sa testing. Baby ko yun so kapag ok ang resulta, mataas ko maibebenta. On top of that, may performance fee. Kapag naging successful yun dito sa Pinas, pwede ko syang iexport as a playbook.”
“Playbook?”
“Sorry, corporate jargon. App siya, pero wala sa google o apple store. Sa selpon ko pa lang meron.”
Hinugot sa bulsa ang isang lumang Asus zenphone at sa bilis ng mata ni Ken, napansin niyang gumuhit ng letrang L si Iko bago ito nag-unlock. Pinindot nya ang isang folder icon na nasa home page, at bumungad ang isang mala-papel na icon na may filename na d_Macapa[ga]l_ggwp.exe
Natawa si Ken. “Ano ba namang pangalan yan?! Halatang gawa mo gar, parang tamang jejemon lang eh!”
Ngumiti si Iko. “Syempre ako ang imbentor, minsan lang magpasikat! Trabaho neto ay gumawa ng automatic facebook post depende sa gusto ng customer, pati comments ng mga kunyaring user. Alam din ng playbook kung araw at oras maganda magpost para marami mag-comment na totoong tao at lalong magviral.”
Natigilan si Ken. Ninamnam ang huling sagot ng kanyang bestfriend, saka niya seryosong tinanong.
“Hindi ka ba natatakot, Iko?”
Napakunot-noo si Iko at hinarap si Ken. “Sa’n?”
“Sa ginagawa mo. Sa ‘d_Macapa[ga]l_ggwp.exe’ mo. Kahit sino, pwedeng bumili ng AI mo para gumawa ng troll farm, magpalaganap ng kasinungalingan, at impluwensyahan ang eleksyon.”
Ngumiti si Iko, isang tipid na ngiti ng isang taong walang oras sa moral lectures. “Ken, negosyo ‘to. Automation. Progress. Hindi ko kasalanan kung paano ginagamit ng tao ang tech na ginawa ko.”
“Pre, ‘wag mong gawing neutral ang isang bagay na may malinaw na epekto. Ang AI mo, hindi lang ‘to automation. Isa ‘tong makina ng disimpormasyon. Isang click lang, may libo-libong fake accounts na. Isang click lang, may manufactured outrage na. Isang click lang, kayang burahin ang katotohanan.”
Umiling si Iko. “At anong gagawin mo? Magrereklamo sa gobyerno? Wala ngang batas tungkol dito, Ken. Hindi illegal ang troll farms. Hindi ako kriminal.” Tumawa siya, pero si Ken, nanatiling seryoso.
“Dahil lang walang batas, ibig sabihin okay lang? ‘Yan ba talaga tayo, Iko? Alam mong may mali, pero dahil hindi pa ginagawang batas, parang wala lang?”
Huminga nang malalim si Iko. Sinandal niya ang katawan sa upuan at pinagmasdan si Ken, parang iniisip kung paano ipapaintindi sa kanya ang isang bagay na sa tingin niya, hindi na dapat ipaliwanag. “Ken, hindi ako pulitiko. Hindi ako aktibista. Hindi ako katulad mo. Ginawa ko ‘to kasi may demand. Kung hindi ako ang gumawa, may ibang gagawa rin. At ang tanong, sino ang mas responsible? Yung may alam kung paano ito gumana, o yung bibili at gagamit ng tech na ‘to para sa sarili nilang interes?”
“Ganyan din ang sinasabi ng mga illegal mining company, par. ‘Kung hindi kami ang mag-quarry, iba ang kukuha.’ Paano mo nga aayusin ang isang bulok na sistema kung ikaw mismo ang nagpapalakas nito?”
Biglang dumaan ang waiter at ibinaba ang inorder na dalawang bote ng Sanmig Super Dry at isang maliit na pan ng Tipsy Sisig. Tahimik nilang kinuha ang kanya-kanyang serbesa. Nagtagal pa ang katahimikan. Sa labas ng bintana ng Tipsy Pig, tanaw ang ilaw ng Capitol Commons—mga gusaling puno ng corporate offices, restaurants, at overpriced na coffee shops. Dito, hindi halata ang epekto ng mga troll farm. Pero sa social media, sa bawat click, sa bawat viral post, sa bawat manipulated narrative, unti-unting mahuhubog ng AI ni Iko ang realidad ng bansa.
“Alam mo, Iko, darating ang panahon na magkakaroon din ng batas para pigilan ang ganito. At kapag dumating ‘yon, ikaw ang magiging poster boy ng kung paano sinira ng AI ang demokrasya natin.”
Matalim ang tingin ni Iko. Pero imbes na sumagot, sinimulan niya ang seremonya ng pag-inom.
“Ken, kung mahuli man ako, anong kaso ang isasampa sa’kin? Cyber libel? Hindi ko naman gawa ang sinasabi ng AI. Ako lang ang gumawa ng tool. Parang kutsilyo lang ‘to—hindi kasalanan ng panday kung ipangsasaksak mo ‘to sa tao.”
Huminga nang malalim si Ken. “Pero pre alam mo… Sa totoo lang…”
Biglang lumabas ang malakas na tawa bago nito tapikin ang likod ni Iko. “Ikaw ang kilala kong may kaya na naka-android phone! Lumang-luma pa, jusko! Hindi ka ba nahumaling sa iPhone? May lalabas na bago ah!”
Humalakhak pabalik si Iko, “Hahaha! Hindi naman ako ganung jejemonggago na nakikigaya. Wais tayo, hindi ako magpapalubog sa utang para lang sa gadget! Isa pa, mas kaya kong mag-save ng mga nagagawa kong program dito.”
Umorder pa ang dalawa ng tag-isang bote ng serbesa, at tinuluyan nilang papakin ang sisig. Tinuloy din nila ang kwentuhan, tungkol sa mga lumipas na taon mula nang huli silang magkita. Pero ang mga naihapag na anekdota ay malayo na sa AI at tinatrabaho ni Iko. Batid ni Ken, na sa pagitan nilang dalawa, hindi na kailangang sabihin ang totoo—na may linya silang tinatawid, at wala nang balikan.
“Salamat pare ha, ihahatid mo pa ako. Nakakahiya.”
“Ano ka ba, wala yun!” Hinugot ni Iko ang phone, gumuhit ng letrang L saka pinindot ang app na mag-automatic on ng kanyang Ford Ranger. Namangha si Ken sa nakita.
“Dun ka pa rin ba sa malapit sa simbahan ng Kapitolyo?”
Sumagot si Ken, “Ay hindi na, sa Pineda na ako. Nagre-rent ako dun sa may compound, tapat ng Balete. May gate naman kaya ligtas dun kahit hatinggabi. Baka mapalayo ka pa. San ka na ba nakatira ngayon?”
Napangiti si Iko. “Ano ka ba? Hindi naman ako masyado umalis sa kinalakhan natin. Malapit lang din ako, pero dun ako sa sa loob ng Capitol 8. Dun na ako nagre-rent. Alam mo na, nakaahon na sa buhay. Hatid muna kita.”
Tahimik si Ken. Habang bumabagtas ang kotse sa Shaw Boulevard, napatingin siya sa mataas na gusali ng mga condo, isang malaking palatandaan ng pagbabago ng Kapitolyo. Napatitig siya sa mala-hotel na liwanag ng mga maliliit na unit. Sa bawat bintana sa condo, may taong naniniwala sa pekeng balita, may keyboard warrior na nagpapakalat ng kasinungalingan, at may pulitikong bumibili ng imahe niya sa social media.
Hinatid si Ken papasok ng Pineda at sa kahabaan ng F. Banaag, nakita nila ang elementary school kung saan sila naging magkaklase. Nakangising ipinarada ni Iko ang sasakyan sa tabi ng main gate at ini-hazard. Bumaba ang dalawa, pumunta sa harap ng gate ng eskwelahan at nagselfie.
“Memories!!! Grabe, pinaalala mo na naman kung saan ako galing! Eh hindi na ako yung payatot na nakilala mo.”
Tinapik ni Ken ang balikat ni Iko, “Hahaha, oo naman! Proud kaya ako sa iyo! Ang galing mo nga eh, hindi ka sumuko. Namamayagpag ka sa larangang tinapos mo! “
“Salamat par. Nakaangat-angat na rin. Pero nakukulangan pa ako, hehe.”
Sumakay silang muli at tinuloy ang biyahe papunta sa compound na inuupahan ni Ken.
Pagkapark ni Iko sa harap ng bahay ni Ken, inihazard nya muli ito at nahihiyang nagpaalam. “Pwede makiihi? Nalimutan kong mag-CR sa Tipsy, hindi na ako makakaabot kung magda-drive pa ako.”
Natawa si Ken at sumagot, “Sige lang.”
May tingin nang pagmamadali si Iko nang binuksan ni Ken ang bahay. Sinindihan ang switch ng Omni-led light na nagpaliwanag sa buong bahay.
Hinayaan nyang pumasok si Iko sa CR at umihi nang bukas ang pinto. Habang pinaparaos ang ihing-ihing pantog, dinadaldal nito ang excitement sa paparating na perang makukuha sa playbook. Habang ume-echo ang sabik, mahigpit ang hawak ni Ken sa .45 kalibreng baril, malamig na bakal na nakasandal sa kanyang palad. Bigla siyang pumasok sa banyo. Pinisil niya ang gatilyo. Bumuntong-hininga ang silencer—isang mahina, nakamamatay na ubo, parang hanging ninakaw ng gabi. Isang pinalulupaypay na tunog ang sumunod nang bumaon ang bala sa dibdib ni Iko, ang kanyang katawan pumalag saglit bago bumagsak sa sahig.
“Par, sorry. The only way to stop the release of algorithm is to kill its creator.”
Binuksan niya ang gripo sa lababo, ang marahang tulo ng tubig ay sumasabay sa dumadaloy na pulang likido sa sahig ng banyo. Biglang napuno ng dagundong ang utak ni Ken. Nasa loob pa rin ng tenga niya ang alingawngaw ng sagutan at pagsabog ng galit. Napahawak sya sa sariling ulo, pilit inaalis ang tunog ng sariling hininga na parang nakakulob sa loob ng maliit na banyo. Makalipas ang sansaglit, hinugot niya ang lumang phone na nasa kanang bulsa ni Iko. Gumuhit ng letrang L at nag-unlock. Binuksan ang folder at tanaw ang mala-papel na icon ng app. Ni-lock nyang muli ang phone saka ibinulsa sa sariling pantalon. Pumunta sa kanyang cabinet at naglabas ng mga damit, at isinalpak ito nang isang bagsak sa kanyang gym bag bago sya tuluyang lumabas ng bahay. Sinigurado nyang nakalock ang apartment at ang malaking gate bago sya lumabas ng compound, gamit mismo ang sasakyang nakahazard sa tapat ng bahay niya.
Muli, nakatanaw ang matandang balete habang nagdrive palayo si Ken, dinerecho ang F. Banaag. Ang puno kasama ng abandonadong police outpost ay mga naging bantay sa mga kwentong ginagabayan ng malamlam na LED Postlight. Sa pagitan ng katahimikan, ang gabing saksi sa krimen ay nanatiling walang imik.









