Pormularyo at Poetika

Noong nakaraang Pasko, nagkita-kita ang mga magkakapatid na Betos para sa isang munting salu-salo, at para ipakilala ng bunsong kapatid ang kanyang kasintahan sa amin. First time naming makikita ang dalaga. At sa aming limang magkakapatid, apat kaming nagkita-kita para sa hapunan at hapag-kwentuhan. Dalawa sa amin ay umuwi pa galing abroad (Si Kuya galing Germany, si Kiteh galing Japan).

Kasama ng mga pag-update sa kani-kaniyang buhay ay nabanggit ang kwento ng mga magulang: kung kumusta na ba sila ngayong lahat ng kanilang mga supling ay tuluyan nang lumikas sa malungkot na family home; usapang diaspora, kung sino sa aming natitirang dalawang magkapatid ang mananatili sa Pilipinas; at sa usaping paghahanda sa retirement, o pagkakasakit, o kung ito na ba ang aming magiging buhay sa mahabang mga taon. Hanggang sa naisama sa huntahan ang usapin ng mga magkakaibang antas ng gitnang uri: kung saan na ba kami nabibilang, kung kami man ay malayo na sa kinagisnang iskolar ng bayan (tatlo sa limang magkakapatid ay nag-kolehiyo sa pampublikong Pamantasan), at kung kami ba ay manantiling mulat at ang adhika ay pang-masa at lapat sa lupa.

Nalungkot ang bunsong kapatid.

Ate, tibak man ako noon, pero anong magagawa nating mga nilalamon na ng Corporate? We need to grind, because we need to live. Malungkot nga lang kasi, after all those years from student activism, I am slowly becoming the one I have sworn to hate.”

Naisip ko, ganun ba kaliit ang mundo ng gitnang uri? Malawig ito, at may mga tao at pamilyang may mas “aware” sa mga access na natatamo nila bilang may-kaya. Humupa ang lungkot nang masabi ko sa kanya na kailangan lang niyang maging malapit sa mga kaibigan na nakakaramdam ng parehong dilemma.

“Katulad ng friend mo na nag-shift, tignan mo, gina-grind din niya ang isang karera na taliwas sa grinadweyt mo.” Ang naturang kaibigan ni JB (palayaw naming sa bunsong kapatid), ay may condo sa BGC, nag-aaral sa UP ng ibang kurso. Nabanggit ko rin na kailangan niya lang ng community as “accountability buddy” o magiging tanggulan mo sa iyong personal na ideolohiya at bahagi ng iyong moral compass kung ang puso mo ay nalalayo na sa pagmamahal mo sa bayan.

Natawa rin ako sa sarili dahil marami akong naging adhika nang ako ay magsimula as Banker sa malaking korporasyon: nariyan ang Pinoy Reads Pinoy Books (PRPB) na nagpo-promote ng diwa ng pagbabasa at pagbu-book review bilang pagsasanay sa pagbabasa nang may pagsusuri; at may isang writer’s group na nabuo mula sa 2024 Citywide Workshop— ang AGOS ng PASIG. Bumalik kami sa balitaktakan ng gitnang uri at ang pagiging malaking seksyon ito ng socio-economic class, at nailapag ko sa mga kapatid na gusto ko kumatha ng isang kwento ng dalawang binatang magkaibigan na nagkabaligtad ang kanilang mga paniniwala dahil sa mga danas nila sa magkaibang baitang ng pagiging gitnang uri.

Ginamit ko ang Barangay Pineda at Barangay Kapitolyo ng Pasig bilang setting ng aking akda. Kasabay ng paahon at pababang mga kalsada ng dalawang pamayanan ay nagamit ko rin ito bilang isang metro (or metric) kung paano nagkakaiba ang sensibilidad sa pagpapalaki ng pamilya at kinagisnang kabataan kahit sa kwento, ang dalawang karakter ay parehong nag-aral sa iisang Elementary School. Magandang mekanismo ng diskurso ang topograpiya ng umaalong lugar, at pwede rin itong iangkla ang pagkakaintindi ng mga tao sa napapanahong paksa ng troll farms at disinformation campaign.

Sana lamang ay nabigyan ko ng hustisya ang sentimiyento ng aking bunsong kapatid sa pamamagitan ng pagkatha nitong maikling kwento.

Deadline

00:01 PHT, #TheBank MPR Flr 8

Hours ticked as fast as my fingers tapping the keyboard. My eyes were hovering over the number of tax lot breaks all throughout the first half of my day, while a simple glimpse on the phone that never stopped beeping with mail alerts, hours before the cut-off.

Just like New York Stock Exchange, hopeful workshoppers placed their bets on their craft, wishing to be part of this second citywide workshop.

And at the struck of midnight, I sent the last email response:

“Kaibigan, magwagi!

Ikaw ang pinakahuling nagpasa ng akda para sa ikalawang palihang panlungsod ng Pasig!

Mangyari po lamang na hintayin ang anunsyo kung kayo po ang isa sa mga napili na magiging fellow sa darating na 2nd Pasig Writers Workshop.”

Then at 00:01: a radio silence.

Paglagos, Papunta, Pabalik

Published in the Literary Tuesdays of Mountain Beacon

“Kuya, daan tayo sa mahiwagang portal! Ipapakita ko sa inyo…”

Isang napakahabang street, taliwas sa regular na bagtasan ng mga galing kyusi, ang Sta. Teresa De Avila. Ito ang aking mahiwagang shortcut mula sa condo papunta sa opisina ko sa BGC. Katapat ang ilog na naghahati sa dalawang lungsod: Ang Pasig kung saan ako naging batang yagit; at ang Makati kung saan ako minulat ng pag-aaral, ng nagtataasang mga gusali, at ng katotohanang sila ang kuta ng mga naghaharing-uri. Ang aking nakilalang Makati, na sa isang iglap ay biglang sinakop ng Taguig.

Katulad ng Ilog Pasig na natutuyo sa tag-init at sapilitang nilalamon ng putik, tila sapilitang nilulukob ang kinagisnang EMBO ng BGC. Tinatago ng mga naglilipanang gusali ang tunay na nagpapawis, makabayad lang ng overwhelming buwis na dapat ay para sa mga burgis. Paano pa ba makakatipid sa pasahe at gastusin kung sa ilang linggong paparating ay araw-araw nang papapasukin (sa opisina)? Minsan, gusto ko na lang tumalon sa ilog at magpaanod dahil ang buhay recently ay nakakapagod…

Pero heto ako, patuloy na lumalangoy sa mahiwagang portal mula sa opisina, pabalik sa bayang naging taal.

Bidyoke Sa Gedli

Pagkatapos ng PRPB Book Talakayan, sumama ako sa mga kaibigang dumalaw sa Silingan Coffee. Ang sabi-sabi, may kaunting pa-party ang mga may-ari. Dahil masyadong maaga kami dumating, nakita ko ang pagse-set up sa labas ng tindahan: laptop at speaker, mic, camera, mga mesa at upuan. Hindi pa fully ready, kaya naghapunan muna kami.

Pagbalik muli sa kapehan ay nakita namin ang kainitan ng kantahan ng mga kababaihan ng Silingan— mga nanay, lola, at ate; mga human rights advocate, trauma counselor at jounalist — mga babaeng naging kaibigan at kaanak ng mga biktima ng EJK. Lumapit sa amin ang isa at nag-anyaya na kami’y makikanta at makisayaw sa kakantahin nila sa bidyoke. Maya-maya lamang, siya’y nagsalaysay tungkol sa kanyang lalaking anak na pinaslang ng pulis; tila ang tingin sa kaniyang buhay ay walang saysay. Kahit masaya syang may lumipad sa Hague, bumuntung-hininga siya at sinabing, “Wala namang araw na hindi mabigat. At alam nating simula pa lang ito ng mahabang laban.” Pero biglang kumabig at nagsabing, “Ngayon, hinga muna at pagbigyan ang sarili. Mag-celebrate sa little win.”

Habang kinakanta nila ang Tatsulok, hindi ko mapigilang makikanta at isigaw ang “Hangga’t marami ang lugmok sa kahirapan, at ang hustisya ay para lang sa mayaman!” Batid ko, kasama ng sanlaksang kababaihang nakiki-jamming, na mahaba pa ang laban. Na kailangan nating mas maging matatag. Sa araw-araw, tapang ang ating tangan.

Tila bumulong muli ang tanong ng author sa pinanggalingang panayam, “Ella, hindi ka rin ba nasusugatan?” Kasabay ng biglang pag-alala ay ang aking paghawak sa mukhang tila nilamig ng minsanang hangin ng gabi.

Yun pala…
May mata nang tumubig.
May luha sa pisngi.

Ang Larawan Bago Ang Iyakan

Booktokish: Snippets of Content Creator

Book Review of Gerald Gruezo’s Pinanganak Akong Bakla at ilan pang mga akda

Nakakabitin!

Tunay ngang patikim ang mga akda niya rito sa litol chapbook niya! Maraming salamat sa Akdang Pinoy dahil nanalo ako sa raffle nila, at plano ko sana itong ipa-raffle papunta sa ibang interesado ng kanyang mga akda, because sharing is caring! 😉

Limang titulo ang narito. Yung unang apat, kwentong buhay niya. Pagpapakilala niya, ganun. Catchy ang unang akda kasi andaming em dash— alam mong madaldal siya sa personal (with lots of social media channels, andami nga niyang nagiging engagement!). Isa pa, parang nakapagbasa ka rin ng blog entry sa Una at Ikaapat niyang entry sa libro. Yung ikaapat, sobrang conversational. Bigla kong naalala ang Unang Reglang kwento ni Beverly Wico Siy sa una niyang Koleksyon na It’s a Mens World. Ang galing lang.

As a geriatric millennial, I recommend the teenagers and younger GenZ demographic to try his works. Lalo na yung huli niyang entry dito na pinamagatang “Unang Kabanata”, kasi promising ang fiction. Pwedeng pocketbook na folklore, pwede ring tungkol sa mga kwentong bayan ng Quezon (kung saan siya lumaki). Sana masubukan nila basahin ang libro (kahit limitado ang kopya, baka naman may reprint ang Balangay in the future di ba?)

I also would like to commend Balangay Productions as the publisher kasi ang ganda ng kulay ng pabalat. Nakakahalina. Pati yung print ng font at ang edit ng mga gawa, malinis. #SanaAll aesthetics is life, charot. Kapag nag-reprint ito, wagi ang mga followers ni @geraldthebookworm for sure!

Kung Hindi Ako Banker, Ako Ay Writer

14 February 2025
16F Social Lounge #TheBank

Dear M—,

I saw these people and they seem to mock me at my introduction with this newest director in the office:

“Hi, I am Ella. And I am humbly bragging that I am the first woman that US onshore team hired in Managed Platforms Services — and still not moving about! If I am not a banker, I will be a writer — Shaping Pinoy Literary landscape, one story at a time.”

Masama kaya ang magkaroon ng ganoong klaseng vision sa mundong ginagalawan ko? Pasalamat nga sila hindi pa ako nagre-resign eh. I protect my work-life balance because I don’t want to be like them: working long hours and getting hungry, and for zero net benefit. Puyat ka na nga, surang-sura ka pa.

Goodness, I am even underpaid at this point! CPAs within my circle are the leads of professional diaspora and brain drain. Exploring Singapura, Malta, and Luxembourg! Those who stayed have other mouths to feed because they chose to have it so, and yet, they flourish in their respective family lives.

Bigla kong naiisip yung si Nase, the “Pinuno” behind the Ppop sensation. Way back before 2016, he went to UP and attended that Phil-Korean Friendship Summit, came out with a passion and a purpose: na sana, ang Pilipinas ay parang South Korea. Namamayagpag ang export ng sining at kultura, at nagiging source ng turismo ang bawat kanta.

Naisip ko, ganito rin ba ang naiisip nya nang sumubok sya sa auditions ng ShowBT? Habang nilalagari ang paghahanapbuhay bilang Corporate Slave at paghabol sa pangarap, paano siya lumapit sa mga kapamilya niya para lang maging dedicated sa kanyang craft? Pareho naman kaming may suntok sa buwan na purpose sa mundo ah! Hindi naman siguro masama yun. Gusto ko rin ang reach ni Bob Ong mismo! Si Bob Ong na malakas pa rin ang hatak sa mga mas batang henerasyon, ang humubog sa millenial generation sa pamamagitan ng pagkatha ng iba’t-ibang istilo ng pagkukwento.

“Shaping Pinoy Literary landscape, one story at a time.” May mga araw talaga na feeling ko hindi na ako meant dito sa workplace, pero I cannot afford to leave. If that guy has a family to go back to— I don’t. I honestly don’t. In a world where there is class A employee who can simply retire and be a stay-at-home wife, I cannot afford to fail. Heck, I cannot even afford to marry and have a kid! I am old to birth a son, too old to date men poorer than what I earn, and I am heaving in this long apocalypse of hyperinflated prices and a hyperventilate-inducing anxiety.

Gusto ko lang kumuda nang ganito kahaba para lang mawala na ang pagkaasar ko sa tingin ng mga tao sa akin na hindi naniniwala sa pagpapakilala ko sa tao. Kung ayaw nila maniwala, eh di hatdog sa kanila. Basta ako, may purpose na ako. Ito ang paraan ko ng pagbuo sa sarili ko at dahilan sa bawat pagbangon.

Radyo Core Memory

Noong elementary kami, pinagsulat kami ng tula sa schoolpaper tungkol sa diwa ng EDSA. Apat kaming gumawa ng korido na pinuno ng pagtutulad at metapora, tapos may dalawa pang additional entry na solong gawa. Nang maipasa yun ng teacher namin sa DZRH radio, naging segment pa ang aming likha na ibo-broadcast ng Sabado, alas-diyes ng gabi.

Mahirap ang recording pala. Paulit-ulit. Hindi namin alam ang magiging tunog namin sa airwaves. Kaya nang sinabi ng host na dapat may bigat ang pagbigkas at may alimpuyo, nailabas ko lahat ng hugot at practice ko sa sabayang pagbigkas. Nang marinig ng pamilya ko ang broadcast, nagulat din kami kasi parang tunog ng galit na umiiyak ang naitula ko. Hindi ko ni-recite ang tulang likha ko; tula sya ng kaklase kong hindi makakarating sa araw ng recording. Ika nga, backup vocal ako. Ang tula niya ay pagkukwento ng mass movement circa ’86, kung saan nag-krus ang mga manggagawa at mga sundalo na tila aso’t pusa, at may isang bathalang saksi na hindi mawari kung ito ay tutulong o hindi.

Ngayon, hindi na ako mahilig mag-radyo, kasi napakadaling access na ang spotify at youtube para sa mga video podcasts at tugtog. Natunaw na ang pagba-bonding sa radyo. Tila katulad na rin ito ng pagtunaw ng diwa ng People Power: nagkawatak-watak, naghati-hati, at ang Mama Mary sa EDSA corner Ortigas ay nakatunganga lang… at nananatiling saksi.

XLB

Published in the Literary Tuesdays of Mountain Beacon

Sa wakas, magkasama na tayo. Kasabay ng pagsikip ng Ongpin ay ang pagpasyal sa Cafe Mezzanine. Excited na akong matikman ang xiao long bao! Ako ang iyong Fire Tiger —matapang, malakas ang loob, at puno ng sigla. At ikaw ang aking Water Pig —kalma, mapagbigay, at mabait.

“Hindi pa rin ako makapaniwala na nandito ka na,” sabi ko, medyo matinis pa ang boses dahil sa labis na kilig. Noon, hanggang messenger lang ang usap, at hindi ko akalain na darating ang araw na magkakasama kita sa isang mesa. Ngumiti ka, kalmado ang mga mata. “Worth it lahat ng paghihintay,” sagot mo, habang hinahalo ang hot and sour soup.

Ilang sandali ng katahimikan—hindi dahil sa kawalan ng masasabi, kundi dahil sa lalim ng ating pagkakaintindihan. Ang apoy ko nasusupil ng malamig na tubig mo, at ang tubig mo ay pinapainit ng kasiglahan ko. Sa bawat kagat ng dumpling, sa bawat tinginan, batid natin ang dating layo ng distansya ay natunaw na—katulad ng mantikang bumabalot sa ating mga labi.

Kilome-kilome-kilometer Zero

Book Review: Kilometer Zero by Josue Mapagdalita

“Ella, kahit wala kang kotse, bakit kabisadong-kabisado mo ang dinadaanan natin?” Ito ang naging tanong ng isang officemate nang hinatid ko papuntang Ugong, ang barangay malapit sa aking maliit na bahay. Nang mabanggit kong nabatak ako ng patok jeep hits ng Stop N Shop-Cogeo ay natawa na lang sila dahil sa kwento ng nakabibingin biyahe na tumatagal dahil sa tindi ng trapik.

Tulad ng aklat na ito, ang haba ng binayahe ko:

1. Nakita ang sample sa Philippine Book Festival

2. May nagchismis sa PBF na mahilig magparaffle ang manunulat (kaya hindi binili)

3. Umasa sa Nakita sa Booksale pero Hindi Binili (wala pa rin akong badge!!!)

4. Nagdownload ng PDF format mula sa page ni Josue Mapagdalita (pero ang gulo ng PDF stamp sa bawat pahina)

5. Umasa ulit sa ikalawang raffle ni Nakita sa Booksale keme ang dami ko pang nai-tag na tao, nandamay na

6. Nanalo ng ibang libro sa Akdang Pinoy

7. Nag-binge hike sa Japan

8. Sumuko na at bumili na ng signed copy (salamat sa pa-message! sobrang na-appreciate ko!!!)

Ngl, nang mabasa ko ang unang kwento, nasa isip ko na baka pang-Young Adult ito — typical for teenager readers. Samahan mo pa ng makulay na pabalat ng aklat. Mapapa-uwu ka if teenager ka, pero sa tulad kong konting pikit bago ang kwarenta ay medyo na-weirduhan sa sarili. “Clickbait ba ito? Baka puru ganito, hugot na naman ba ito? Recycled content na ata ito eh!” Pero katulad ng bawat commute, samu’t-saring danas pala ang maba-vibes mo sa bawat kwento. Best to read the book one story per commute. Maganda talaga syang bitbit sa iyong byahe, na kaysa maburyo ka sa pagpila sa terminal, or mapasinghal ka sa puru pulang kotse ang nakikita sa daan, eh mahihigop ka sa mga sansaglit na sentimyento ng bawat dagli. Bigla kong naalala ang Suong ni Gerome Nicolas Dela Peña – ang koleksyon ng kanyang mga tweet. At gaya ng sa Suong, pwedeng simulan sa gitna ang aklat, tapos pwedeng mag-lipat-lipat. Dahil kung tutuusin, ang bawat biyahe natin ay hindi isang sprint, kundi isang marathon — isang combo ng samu’t-saring uri ng lakad at takbo.

Nagustuhan ko ang mabilis na dama ng sensibilidad, dahil naging intensyon pala ng manunulat na walang gender ang mga tauhan. Without gender assignments, we can lure ourselves in the stories with the touch of our personal histories and sagas. At mas nagustuhan ko ang “alingawngaw” ng koleksyon. Mula sa personal na hugot ng pag-ibig, lumalawak ang boses sa mas malaking mga bagay sa paligid: ang iba’t-ibang baitang ng manggagawang uri; ang hindi pagtuong-pansin sa ating personal na lagay (Mental Health) sa ngalan ng pag-grind; ang pagtalikod sa pinagmulang bayan at pangarap sa ngalan ng mas maalwal na buhay; at ang natitirang pait ng mga lumisan sa iyong buhay (Side note: sobrang nadali ako ng kwento na may biyaheng Sucat, nalungkot ako sa sarili kong mga college friends na hindi na nagkikita mula noong rehimeng Duterte, pero bago ang 2016 ay ang hilig na naming magreklamo kapag papuntang Town).

Sa larawang ito, nasa likod ng librong ito ang aming barangay hall. At base sa google maps, 18km ito mula sa Kilometer Zero. Wala lang, share. Pero maraming salamat sa akdang ito. Na-pwera-usog ang kagusutuhang kumpletuhin ang personal na sanaysay ng mga ligalig at lakbay (na hopefully, matapos ko nang matindi-tindi kasi puru pa rin sample size ang naipapasa, haha!)

Nakakapagod na Kapangyarihan

Book Review of Ang Kapangyarihang Higit sa Ating Lahat by Ronaldo S. Vivo Jr.

Ang hirap.

Parang nanganay ako sa pagbabasa ng aklat na ito. Ganito ba talaga ang transgressive fiction? Masyadong nakakulong, at ang hirap i-ire at kumawala sa mundong ginagalawan nina Dodong, Buldan, Butsok, Marife, Myla, Atong, Jepoy at ng mga tsismosang kapitbahay na takot na takot makanti ng pulis.

Nakakatuwa lang na nadadama ko yung mapangahas na panulat ni Ronaldo Vivo at yung rigor nya sa paglikha. Na itong mismong Dreamland ay gustung-gusto na niyang isulat at ipakilala sa mundo. Nadama ko yung kawalang-tulog para mai-type at maiipon ang materyal, ang kawalang-pake sa paulit-ulit na mekanismo ng eksena ng panghahalay sa kapwa babae at lalake, ang pag-rehash ng pamamaraan ng pagpaslang at pagsisilid ng item, at kung paano niya naitagpi ang lahat at inilagay sa isang lalagyan. Nabigatan lang ako siguro dahil nasanay ako sa sensibilidad at relatability ng Bangin, at tila ayoko na rin balikan ang naging mga kwento ni Mama noong bata pa ako sa looban ng Pasay at mga gedli ng Pineda. Mahirap maging mahirap.

Nakakamangha at nakakatawa na may mga buong boses ang manunulat sa ibang mga eksena nito. Kapag narinig mo si Boss Vivo sa isang panayam, o kahit sa mga status nya sa facebook, malalaman mong sa kanya ang tinig. Ito ang halimbawa:

Ang hirap sa mga nasa posisyon, akala nila lahat ng tao ay kaya nilang ululin. Putsa, kahit mga tubong looban na hindi nasayaran ng edukasyon ang kukote, marunong ding mag-isip. Nagkataon lang na sila ang inarmasan ng gobyerno kaya ang lalakas ng loob ng mga putang ina, mga lasing sa kapangyarihan. Bawal magsabing kung anumang nasa isip, lalo kung ‘di maganda sa pandinig nila, dahil wala naman ni ga-kulangot na tutong na magandang msasabi tungkol sa kanila. Kaya ang mangyayari, mananahimik na lang kaysa tinggaan sa ulo.

Mas lalo akong natakot sa ginagalawan kong realidad dahil magsa-sampung taong gulang na ang libro, pero hindi pa rin nagbabago ang kahayupan ng kapulisan, at ang paningin sa mga maralita na parang basura lamang. Na tunay ngang ang mga nasa laylayan ang nagpapatayan habang ang mga nasa kapangyarihan ang nagpapakasasa ng kaban ng bayan.