15 Agosto 2025. Biyernes. Alas sais ng umaga. Maulan.
Minsan naiisip ko kung ang pagsusulat ng ganito ang paraan para hindi makalimot. Pero sige na nga. Tatlong araw na akong absent at kailangan ko nang pumasok. Maaga naman akong nagising. Maaga rin ang ulan. Dinig ko ‘yung patak sa yero, parang paulit-ulit na paalala na hindi pa rin tapos ang gabing iyon. Dito sa maliit kong bahay sa Pinedang looban, kahit ang ulan parang may ingay ng galit. Binunot ko ang palanggana mula sa ilalim ng lababo. Hindi ‘yung plastik na puti. Yung isa. Yung stainless. Malamig sa kamay. Mabigat. Parang may memorya.
Noong isang araw, doon siya nilagay. Isang nilalang na hindi pa buo, hindi pa lumalaban.
Nilapag ng nurse sa loob ng palanggana, parang basang piraso ng karne. Walang tunog, pero sa isip ko, rinig na rinig ko ang kalampag — ‘yung tunog ng laman sa bakal.
Plak. Gano’n ba talaga ang tunog ng kamatayan?
Ngayon, nilagyan ko ng tubig ‘yung palanggana. Nilabhan ko ‘yung panty kong may natuyong dugo, ‘yung T-shirt kong may bahid ng sugat galing sa ER. Pati ‘yung bra na pinunit niya noong gabi bago ‘ko tumakbo paospital. Hindi ako nagpasundo. Wala rin naman akong matatawagan. Wala akong kapamilyang malapit. Takot din ang mga kapitbahay. Tinibayan ko ang loob ko at mag-isang umuwi mula Rizal Medical, buti na lang at malapit.
Pero kamakailan lang, tumawid ako sa mismong overpass, gabing-gabi, habang hawak ‘yung puson kong parang pinupunit sa loob. Sa ilalim ng ilaw ng poste, tinangka pa niyang habulin ako. Naririnig ko pa boses niya habang tumatakbo ako: “’Wag kang maarte, ikaw may kasalanan nito!” Gusto ko siyang sigawan, sabihing, “Hindi ako makina!” Pero wala na kong boses. Naiwan na sa bahay.
Pagdating ko sa ospital, duguan na ‘yung shorts ko. Tinanong ako ng nurse kung ilang buwan na. Limang buwan, ‘ka ‘ko. Walang luhang lumabas.
Mula kagabi, dama ko pang parang wala na akong tubig sa katawan. Nilabhan ko na lahat sa luha. Habang kinukusot ko ‘tong panty, naiisip ko ‘yung tunog ng pagkakalapag sa palanggana. Parang hindi siya nawawala. Parang sumasabay sa bawat kusot. Plak. Plak. Plak. Kahit wala na siya, parang naririnig ko pa rin ang paghinga niya, kung meron man.
Hindi ako pumasok kahapon sa Watsons. Pero ngayon, kailangan na. 3-day sale. Nag-text si Ma’am Liza kagabi: “Pumasok ka bukas, kulang sa tao.” Walang tanong kung kumusta ba ako, o kung ayos lang ako. Wala rin naman akong maisasagot.
Magmi-makeup ako mamaya. Light lang. Para matakpan ‘yung pasa sa ilalim ng mata. ‘Yung gasgas sa labi. Sa counter, babati ako ng, “Ma’am, may card po kayo?” kahit ang gusto ko talagang itanong ay, “Ma’am, may pakialam po ba kayo?”
Wala.
Itinapon ko na ‘yung tubig. Itinabi na ang palanggana. Pero alam ko, sa susunod na gabi, baka magamit ko ulit siya. Baka hindi para maglaba. Baka ako naman ang ilagay doon.
Pero hindi pa ngayon.
Ngayon, kailangan ko pang magsuklay. Mag-sanitize ng tester. Magpahid ng lip tint.
At ngumiti.
Kasi wala namang bonus sa pagdurusa. Pero may kaltas sa late.
Poetics: Hinarabas ko ito nang magpost si Nap Arcilla ng isang patimpalak sa facebook. Ang criteria ng dagli: palanggana. Hanggang ngayon, wala akong balita kung nanalo ba ako o anuman. Sayang. Pero minsan, naiisip ko rin ang mga minimum-wage earner katulad ni Ate sa Watsons.



